Edu naki-party ng mga batang cancer survivor!
Cry me a river ang mga dumalo kahapon sa graduation ng mga cancer survivor sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City.
Naantig ang damdamin ng mga bisita dahil sa sobrang kasiyahan para sa mga bata na gumaling mula sa iba’t ibang klase ng kanser.
Si Edu Manzano ang special guest sa naganap na graduation dahil isa siya sa mga benefactor ng ospital.
Si Edu ang nagpaayos ng Adrian Manzano Cancer Wing ng PCMC na ipinangalan niya sa kanyang ama.
Bukod sa Pamilyang Pilipino, advocacy ni Edu na tulungan ang mga bata na may mga sakit na kanser.
Libre ang chemotherapy, blood transfusion etc. sa Adrian Manzano Cancer Wing.
Kasabay ng graduation ang Christmas Party ng mga pasyente ng PCMC.
Dahil endorser sila ng kanyang anak na si Luis ng Puregold, namigay si Edu ng mga Christmas bag sa mga pasyente.
Siyempre, courtesy of Puregold ang goodies na ipinamudmod ni Edu. Nagpapasalamat si Edu dahil isang tawag lang niya sa telepono, pinagbigyan agad ng Puregold management ang kanyang lambing na bigyan ng Christmas bags ang mga bagets ng PCMC.
Mga magulang, maligaya rin
Hindi lamang ang mga bata ang tuwang-tuwa sa pag-apir ni Edu dahil maligayang-maligaya rin ang kanilang mga magulang nang ma-meet nila nang personal ang aktor na senatorial candidate ng Partido Galing at Puso.
Sinamantala ng lahat ang pagkakataon para makapagpakuha ng litrato na kasama si Edu.
‘Yung iba naman, si Luis ang hinahanap kaya nagbiro si Edu na wala ang kanyang panganay dahil nagtatrabaho ito para sa tatay niya.
Ang Jollibee ang nag-provide ng mga pagkain sa Christmas party ng mga pasyente ng PCMC. Walang umuwi na luhaan dahil sa mga loot bag na ipinamigay ni Edu at sa raffle prices na kanilang napanalunan.
Pero jampacked pa rin concert ni Sarah G apektado ng OA na trapik at kaliwa’t kanan na road reblocking!
Alam ko na ang dahilan kaya marami ang na-late nang dating sa unang gabi ng concert ni Sarah Geronimo sa Smart Araneta Coliseum noong Biyernes.
Bukod sa normal na overacting na traffic situation sa EDSA tuwing Biyernes, may road reblocking and repair na naman sa kanto ng New York Avenue hanggang sa service road papunta sa Kamias Street, Quezon City.
Ang road reblocking sa nasabing lugar ang rason kaya inabot ng siyam-siyam bago makatawid sa EDSA ang mga motorista na nanggaling sa Sta. Mesa at papunta sa Araneta Coliseum para manood ng From The Top concert ni Sarah.
Hindi natapos kahapon ang road reblocking na nagdulot na naman ng masikip na traffic situation sa EDSA northbound kaya na-late nang dating si Edu sa Christmas party ng PCMC.
Pati ang manager ni Edu na si June Rufino, nakatulog na lang sa sasakyan dahil inabot ng tatlong oras ang kanyang biyahe.
Mag-expect tayo na titindi pa ang trapik sa Metro Manila habang papalapit na ang Pasko.
Therefore, ipagdasal natin na bigyan tayo ni God ng mahabang pasensya dahil stressful at nakakapagpainit ng ulo ang problema na bitbit ng trapik.
Ito ang dahilan kaya tamad na tamad ang showbiz press na pumunta sa mga presscon na idinadaos sa Makati City dahil dusa nga ang bumiyahe sa EDSA. Gusto pa rin nila na presscon venue ang mga restaurant sa Timog at Tomas Morato Avenue area.
- Latest