Isinabay ni Manila City Vice Mayor Isko Moreno sa Thanksgiving Day sa Amerika ang thanksgiving lunch niya kahapon sa entertainment press.
Ang turkey ang simbolo ng pasasalamat ng mga Amerikano sa mga biyaya na natatanggap nila kaya may pabo rin sa thanksgiving lunch ni Papa Isko na isa sa mga senatorial bet ko.
Maraming kuwento si Papa Isko tungkol sa 18-years na panunungkulan niya bilang konsehal at bise-alkalde ng Maynila. Hindi nagsawa sa pakikinig ang mga reporter na nakilala ni Papa Isko noong nagsisimula pa lamang ito sa showbiz.
Siyempre, hindi nakalimutan na itanong kay Papa Isko ang tungkol sa guesting ni Alma Moreno sa talk show ni Karen Davila. Mahaba ang sagot ni Papa Isko pero tumanggi siya na magbigay ng reaksyon tungkol sa guesting ni Alma.
“Nakatikim din ako ng pangungutya noong araw. Napanood n’yo naman ‘yon. In fact, kung anong ginawa ko after ako kinutya, nagpursige ako na bumalik sa pag-aaral, dala ng ako’y nu’ng mag-umpisa sa public service eh high school finished ako at nakatikim talaga ko nang mga masasakit na salita rin lalo na sa mga kalaban natin sa pulitika but be that as it may, nakapagtapos naman ako ng aking kolehiyo.
“Nakapag-abogasya nang konti at napakabait ng UP NCPAG ( UP College of Public Administration and Governance ). May executive program sila na in-offer, pangalawa I went back to UP to take up local finance.
“Then, fortunately, nagbaka-sakali lang ako, nag-offer ‘yung JFK School of Government sa Harvard University ng mga executive program. I tried to apply and fortunately, I was accepted.
“Tapos, after that, sabi nila ‘yung best school daw sa buong mundo is Oxford University, so I tried to apply at awa naman ng Diyos, natanggap ako.
“What I’m saying is, maaari po na minsan talaga, tayo’y may mga kakulangan sa kaalaman, dala na rin siguro ng sirkumstansya ng buhay natin.
“Hindi naman natin masisisi ang iba pero siguro, minsan, maganda rin na wake up call ‘yon because I took it in my favor,” ‘yung mga pangungutya sa akin.
“I took it as an advantage, to wake up, na magising sa katotohanan na maaari po na ika’y artista at kilala. Maganda po naman ang intensyon ng bawat taong lumalahok sa halalan pero maganda rin siguro na aralin mo rin ‘yung mga bagay na sa tingin ko’y pakikinabangan naman ng iyong mga mamamayan o ng iyong paglilingkuran.
“At nakakalungkot din, paminsan-minsan, nama-magnify ang artista, in terms of faults pero sa totoo, comparing apple to apple, in public service or public servants, marami ring mga lawyer na nakukulong, may kaso, may mga doktor din na nakukulong. May mga propesyonal din na nakukulong, mas marami sila actually.
“Kami naman sa showbiz, iilan lang naman kami kaya lang siyempre….any person for that matter being accused is innocent before the court not until proven guilty.
‘Yan naman ay pamamaraan ng ating hustisya. Be that as it may, imbes na ikalungkot ko ‘yung hindi ko nakamtan na pag-aaral eh bumalik na lang ako sa eskuwelahan at imbes na magmadali ako at gamitin ko ‘yung kasikatan bilang artista, minabuti kong manatili sa bawat puwesto nang sagad sa panahon.
“Ibig sabihin, inaral kong mabuti ang bawat posisyon bago ako umakyat sa isang posisyon,” ang sey ni Papa Isko na ibinase sa mga personal na karanasan ang sagot sa intriguing question.