Tama kami sa sinulat namin na kung gusto ng mga fans ang ‘kilig pa more’ sa paggi-guest nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) sa grand finals ng Gaya-Gaya Pa More ang gayahin nila ay ang Guy & Pip love team nina Nora Aunor at Tirso Cruz III.
Kung sa sweetness ng love team ng dalawa noong ’70s, wala nang tatalo sa kanila. Maraming taon na ang nakaraan, marami nang nangyari sa buhay nila, personal at showbiz, wala pa rin silang kupas hanggang ngayon kapag nagkasama sila.
Kuwento nga ni Lynn Cruz, wife ni Tirso, nang mag-talk sa isang fellowship si Pip sa Iloilo City, nilapitan siya ng mga fans at tinanong si Pip kung totoong sila ni Guy ang unang AlDub. Nagpasalamat daw si Pip sa mga AlDub fans na through the years, hindi pa rin nalilimutan ng mga tao ang kanilang love team. May request nga raw ang AlDub na sana makagawa sila ng project na magkakasama sila. Kaya kahapon, nasa bahay lamang si Pip at pinanood niya ang performance nina Alden at Maine bilang Guy & Pip.
Maganda ang ginawa ng Eat Bulaga na ipinagtayo ng set sa Broadway studio na parang isang malaking garden at nag-open ang performance na kinakanta ni Alden by lipsync ang Maria Leonora Theresa at may hawak siyang manyika. Nagaya ni Alden ang kilos at pananamit ni Pip. Kinanta naman ni Yaya Dub ang Pearly Shells ni Guy with matching nunal sa left cheek at ganoon din ang ayos ng buhok at dress nito in 1970.
Kuhang-kuha rin ni Maine ang acting at pagsasalita ni Guy.
Then nag-duet na sila ng Together Again, although sweet na sina Alden at Maine, hindi pa rin todo, hanggang sa pagkapit lamang ni Maine sa braso ni Alden, dahil nagagalit pa rin si Lola Nidora (Wally Bayola) kahit sinasabi nina Tidora (Paulo Ballesteros) at Tinidora (Jose Manalo) na hayaan na lamang ang dalawa.
Bukod sa manyika, may three long-stemmed roses din na bigay si Alden kay Maine na ang ibig sabihin daw ay ‘AlDub You.’
Little Nanay, hindi masyadong magpapaiyak
May kurot sa puso ang trailer ng bagong primetime drama series ng GMA 7 na Little Nanay.
Based sa napapanood, hindi magiging masakit sa dibdib ang story kahit pa si little nanay na gagampanan ni Kris Bernal na ang isip ay para sa isang 7-year old na nabuntis at nagkaanak ng normal child na gagampanan ni Chalui Malayao, who is in real life is also 7 years old. At kahit mga drama actors sina Ms. Nora Aunor, Eddie Garcia at Bembol Roco, mukhang very light ng atake nila sa kani-kanilang role na parang ginagawa nila noong mga bata-bata pa sila.
Malapit nang mapanood ang Little Nanay sa November 16, papalitan nila ang napaka-dramatic primetime soap na My Faithful Husband nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na nasa final week na simula sa Monday, November 9.