Matagal nang may nagtatanong sa amin, pero ayaw naming sagutin o magbigay ng opinion hanggang hindi natatapos ang filing ng certificate of candidacy para sa eleksiyon.
Ang tanong na ikinatawa namin ay ano raw kaya ang mangyayari kung sakali’t kumandidato ang AlDub, ibig sabihin sino man kina Maine Mendoza o Alden Richards.
Ayaw naming buksan ang ideya dahil sa totoo lang natatakot kami. Para kang nagbubukas ng Pandora’s box.
Hindi man iniisip ng sino man kina Maine at Alden, papaano kung may isang pulitiko na kumumbinsi sa kanila na gawin iyon?
Matagal din naman kami sa pulitika, at sa tingin namin, dahil diyan sa popularidad niyang AlDub, maaaring manalo ang sino man sa kanilang dalawa sa isang national election. Kagaya rin nga noong kanyang kapanahunan, kung tumakbo lang kahit na senador noon si Nora Aunor, malamang ay nanalo siya.
Kaya nga lang noong kumandidato siyang gobernador, hindi na siya ganoon kasikat talaga kaya talo siya.
Kung si Aga Muhlach mas napaaga ang pagpasok sa pulitika, aba sa palagay namin kahit na sino tatalunin niya. Iyon nga lang, medyo delayed din ang pasok niya sa pulitika at siguro nga sa maling lugar naman siya kumandidato. Kung dito lang iyan sa Metro Manila, panalo si Aga.
May mga artista namang kilala, pero sadyang natatalo sa eleksiyon. Siguro nga ang may pinakamaraming posisyong tinakbuhan, kabilang na ang pagiging vice president ay si Amay Bisaya. Pero dahil komedyante, wala yatang sumeryoso sa kanyang bid.
Kumandidato rin naman si Ara Mina, pero siguro nga hindi pa siya handa para roon, at saka parang hindi naman siya naging seryoso noon sa kampanya. Mukha ngang naimpluwensiyahan lamang siya ng kanyang political clan.
Pero mabalik tayo sa Aldub, kung sino man kina Alden at Yaya Dub na nakaisip na kumandidato maski na sa national elections ngayon, palagay namin mananalo.
Sharon hindi maiboboto si Sen. Kiko?!
Natawag ang pansin ng isang internet post ng isang citizen na nagsabing hindi makakaboto ang megastar na si Sharon Cuneta dahil cancelled na ang kanyang registration bilang botante sa Pasay City.
Ang dahilan diumano ay ang hindi niya pagboto sa nakaraang dalawang eleksiyon. Iyon naman po ang batas. Basta nakalipas ang dalawang eleksiyon na hindi ka bumoto, aalisin ka na sa voters’ list. Noong araw kasi, maraming malaon nang patay nasa listahan pa rin at nakaboboto pa.
Pero hindi ninyo masasabing hindi makakaboto si Sharon, dahil mayroon pa siyang hanggang sa katapusan ng buwan para magpa-rehistro at magpakuha ng biometrics. Magagawa niya iyan araw-araw, simula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Isa pa, hindi natin alam kung si Sharon ay nakapagpa-rehistro bilang botante sa iba nang lugar. Open naman siya sa pagsasabing may condo siya sa Makati, at residente rin ng Laguna. Bagama’t may mga business interests din naman siya sa Pasay kaya qualified pa rin siya doon kung sakali.