Nadaan ulit kami sa isang mall, at nagulat kami nang makita naming palabas pa rin ang pelikulang Heneral Luna.
Nakakagulat dahil matapos ang halos isang buwan na, may mga nakapila pa rin para panoorin iyon. May sinehan pa siyang masasabing kanya, samantalang ang ibang mga pelikula ay may kahati na sa kanilang sinehan.
Nakakatuwa naman dahil nang una naming mapanood iyang pelikulang iyan, at opening day pa iyon, ay 12 lang kami sa loob ng sinehan. Napanood pa namin iyan dahil inabot lang kami ng malakas na ulan sa isang mall. Napakamahal na kasi ng sine ngayon kaya mag-iisip ka rin kung manonood ka nga ba. Pero hindi kami nagsisi dahil maganda nga ang pelikula. Bukod sa makatotohanan ang paglalarawan ng kasaysayan, mapapansin mo rin ang ilang mga baguhang artista na magaling pala talaga. Napansin namin noon ang acting ng baguhang si Aaron Villaflor na gumanap sa isang fictional character.
Wala silang publicity noong una, indie nga kasi. Wala silang maipagmalalaking box office stars. Walang isang damukal na pralala, pero tingnan ninyo at kumita. Officially ang pelikula pa raw ang ipadadala sa Oscars, na tama lang naman. Palagay namin walang ibang pelikula na kasing husay ng Heneral Luna na nagawa sa taong ito.
Lahat ng maririnig mo ay magagandang reviews, kahit na mga hindi taga-showbiz. Halata mong hindi pilit ang pagpuri sa pelikula. Halata mo ring hindi pralala ang balita noong kumita na sila. Kasi habang sinasabi nilang kumikita sila, nakikita mo naman ang pila.
Nakikita mo naman sa computer screen ng sinehan na puno ang sine. Mahirap mo nang maloko ang mga tao ngayon eh.
Ang masasabi lang namin, iyang Heneral Luna ang pelikulang sa palagay namin, pinakamalapit talaga sa katotohanan. Ang ibang biopics na napanood namin ay hindi ganyan. Iyong ibang biopics nga, ni hindi namin pinag-aksayahan ng panahong panoorin.
Ilan sa mga artistang kakandidato, siguradong mababalibag lang sa eleksyon
Nasa ikatlong araw pa lamang ng paghahain ng mga COC, isang damukal na mga artista na ang narinig naming gustong kumandidato para sa kung anu-anong posisyon sa gobyerno.
Pero sabi nga ng isang kaibigan naming political analyst, marami sa mga artistang kakandidato ang babalibag sa darating na eleksiyon.
Mukhang nadala na rin ang mga mamamayan at hindi na basta boboto sa kung sinu-sino lamang. Hindi na sila boboto base sa tunog na lang ng pangalan. Siguro naman, sabi nga nila, sa panahong ito ay wala na ang tinatawag na “sympathy votes”. Iyon bang pagboto dahil naaawa lamang.
May mga artista namang kilalang pulitiko na talaga, at nakapagbigay naman ng mahusay na serbisyo sa bayan.
Palagay namin may advantage na ang mga iyan. Pero iyong talagang suntok lang sa buwan, palagay namin hindi na sila dapat umasang mananalo pa.
Mapapansin din ninyo, maraming mga pulitiko, na hindi naman sanay sa showbiz, at wala namang kuneksiyon sa industriya o nakatulong man lang sa industriya, ang nagpapa-showbiz na ngayon.
Mas mapupuna kasi sila sa mga entertainment pages. Pero nagtatanong na rin kasi ang mga tao, bakit mag-aartista na rin ba sila kung matatalo sila sa pulitika?
Palagay lang namin, mas sensible na kung mag-isip ang mga tao ngayon.