Mga sinehan kinapos pa raw! Dennis Trillo jackpot, Felix Manalo nanggiba ng takilya
Witness ang isang entertainment editor sa mga tao na maaga na nagpunta kahapon sa mga mall cinema para panoorin ang Felix Manalo.
Parang totoo ang nabalitaan ko na hindi pumasok sa kanilang mga trabaho ang mga member ng Iglesia Ni Cristo dahil sa kagustuhan nila na suportahan ang unang araw sa mga sinehan ng filmbio ni Ka Felix, ang First Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo.
Hindi nahirapan ang INC members at ang ibang moviegoers sa paghahanap ng mga sinehan na pupuntahan dahil showing sa 350 theaters ang Felix Manalo.
Palabas sa mga sinehan ng Trinoma ang pelikula.
Take note, limang moviehouses lang naman sa Trinoma ang pinagtatanghalan ng Felix Manalo. Ibang klase ‘di ba?
Ngayong araw balitang maagang magbubukas ang mga sinehan sa malls at extended din ang last full show. Sa rami ng sinehan ng Felix Manalo, parang may Viva Films festival sa buong Pilipinas. Ang latest pa, magdaragdag pa raw ng ilang sinehan dahil kinapos sa unang araw ng palabas nito.
Felix Manalo matagal pinag-aralan
Matagal na pinag-aralan at pinagplanuhan ang pagsasapelikula sa life story ni Ka Felix na agad na nabigyan ng green light ng mga pinuno ng Iglesia Ni Cristo. Sumakabilang-buhay si Ka Felix noong 1963 at hindi na alam ng karamihan sa mga kabataan ngayon ang kanyang mga pagsubok na pinagdaanan para maitatag ang Iglesia Ni Cristo.
Sa pamamagitan ng Felix Manalo, makikilala nang lubusan ng mga bagets ang First Executive Minister ng kanilang simbahan na buong husay na ginampanan ni Dennis Trillo.
Knows na nating lahat na anim na oras ang haba ng unedited version ng pelikula na pinaigsi ng tatlong oras para sa commercial run. Halos tatlong oras ang naputol at sana nga, matuloy ang balak ng Iglesia Ni Cristo na ipalabas sa kanilang mga television network ang kabuuan ng pelikula dahil kapag nangyari ito, magiging parang teleserye na dapat subaybayan ang Felix Manalo.
Alden patung-patong na ang trabaho
Grand finals na pala ng Bulaga Pa More ng Eat Bulaga sa darating na Sabado kaya lalong hindi puwedeng mag-absent si Alden Richards. I’m sure, nakagawa na ng paraan ang production staff ng Eat Bulaga para hindi ma-miss si Alden ng Eat Bulaga televiewers.
Naka-schedule si Alden na pumunta sa Japan sa Sabado para sa Kapuso Fans Day ng GMA 7 sa Linggo. Posibleng lumipad si Alden sa Japan pagkatapos ng Eat Bulaga dahil big day sa Sabado ng Bulaga Pa More.
Aktor na ‘terorista’ didisiplinahin
“Terorista” ang tingin ng network management sa aktor na palaging nawawala sa sarili at nagbabanta sa kanyang kapwa artista.
Ayaw ng television network management ng mga tao na naghahasik ng lagim kaya iniisip nila na turuan ng leksyon ang pasaway na aktor.
Karapatan ng management na disiplinahin ang kanilang mga contract star, lalo na ang mga tao na threat sa security kaya sasampolan nila ang “terrorist actor”.
- Latest