DOTC Sec. Abaya umalma, istorya ng Heneral Luna mali raw
Mahirap talagang gumawa ng pelikula tungkol sa kasaysayan. Kagaya rin iyan ng pagsulat ng kasaysayan. Kasi nga umaasa ka lang sa sinasabi ng iba, o mga dokumentong mababasa mo. Hindi mo talagang nasaksihan ang pangyayari ng kasaysayan. Ang kuwento ay nabubuo batay sa kung sino ang nagkukuwento, at natural may oposisyon sa mga kuwentong iyon.
Isang magandang halimbawa ang pelikulang Heneral Luna. Matapos ang tatlong linggo ng showing at saka may statement si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya na hindi raw totoo ang sinasabi sa pelikula na si Heneral Antonio Luna ay pinaslang. Mapaninindigan daw niya na hindi pinaslang ng mga tauhan ng kanyang lolong si Emilio Aguinaldo ang itinuturing na pinakamahusay na heneral ng rebolusyon.
Hindi namin sa kinakampihan ang mga gumawa ng pelikula, o sinasabing mali ang nalalaman ni Secretary Abaya, pero maging sa mga pag-aaral namin ng kasaysayan, pati na ang pagsasaliksik namin sa kasaysayan ay sinasabing mga sundalo ngang taga-Kawit ang pumaslang sa heneral. Iyan ay naging laman din ng mga diyaryo noong panahong iyon. Maging ang mga diyaryo sa U.S. ay nagsasabing mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo nga ang pumaslang kay Heneral Luna.
Ipagpapalagay na nating mali ang mga tala ng kasaysayang iyon, maliwanag na bagama’t binigyan ng heroes’ burial si Luna, wala namang naparusahan sa sino mang involved sa pamamaslang sa kanya. Napatay na kasabay niya si Koronel Paco Roman. Pagkatapos noon, inusig pa ang mga tauhan ni Heneral Luna, ang ilan sa kanila ay sinasabing pinaslang din.
Ganyan talaga ang lumalabas basta ang tinatalakay ng pelikula ay kasaysayan. Kahit hindi mga bayani, kahit na kaninong buhay ay isinalin sa pelikula, nauungkat kung ano ba talaga ang totoo.
Kagaya rin nga noon, may isang ginawang pelikula si Vilma Santos na supposed to be ay true to life story. Noong bandang huli, nalaman namin na ang character pala ay kilala namin sa tunay na buhay, dahil naging kapitbahay pa namin noong araw. Alam naming binago, at hindi na totoo ang inilabas sa pelikula dahil iyon ay isang simpleng krimen lamang. Pero pelikula iyan eh, kaya ano nga ba ang magagawa natin? Pero may pelikula namang naglalabas ng katotohanan talaga kaysa sa mga libro.
Enrique may kinalaman? JM sinisiraan lang daw
Naaawa naman kami sa actor na si JM de Guzman. Hindi lamang siya isang mahusay na actor, napatunayan din naman niyang may batak siya sa fans. Pero ngayon ay maraming paninira sa kanya. Kesyo iniklian na ang kanyang role sa serye nilang All of Me dahil sa ilang problema, na sinabi naman ng kanyang co-stars na sina Yen Santos at Aaron Villaflor na hindi totoo dahil maayos naman daw si JM sa set, at masaya naman sila.
Sinasabi ring inalis na siya ngayon sa pelikulang dapat sana niyang gawin para sa festival, at pinalitan na diumano ni Jericho Rosales. May sinasabing problema rin kaya hindi na natuloy ang paglabas niya sa pelikula.
Lahat iyan ay lumalabas dahil sa sigalutang nagsimula lang dahil sa naging problema ng kanyang girlfriend na si Jessy Mendiola kay Enrique Gil, nang magpunta ang mga iyon sa London. Ayaw naman naming isipin na may kinalaman nga ang controversy na iyon. Ayaw naming isipin na may gustong siraan talaga si JM.
Pero sayang, bihira ang isang artistang mahusay para sirain lang nang ganyan.
- Latest