GMA Network nagsampa ng bagong reklamo laban sa SkyCable

MANILA, Philippines – Muling naghain ng reklamo ang GMA Network laban sa SkyCable sa National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay ng mga bagong hinaing ng mga manonood ukol sa pagkawala ng signal ng GMA bago umere ang Eat Bulaga o ang kalyeserye (AlDub) segment nito.

Sa isang liham na ipinadala nina GMA Senior Vice President for Engineering Engr. Elvis B. Ancheta at GMA Vice President for Legal Affairs Atty. Lynn P. Delfin noong September 17, 2015, pinanindigan ng Network na ang signal disruptions ay maituturing na “irresponsible acts” sa parte ng SkyCable. Sinabi rin ng Kapuso Network na ang tila pagkakahalintulad ng mga nasabing insidente tuwing eere ang Eat Bulaga ay hindi masasabing “isolated cases.”

Sinabi rin ng Network sa kanilang liham na kapansin-pansin na tanging SkyCable Channel 12 (GMA-7) lamang ang nawawalan ng signal, dahilan upang paniwalaan na ang mga signal disruptions ay isinasagawa upang maapektuhan ang mataas na ratings ng GMA/Eat Bulaga na milyun-milyon ang nakatutok araw-araw.

Nitong nakaraang Sabado, buong bansa muli ang kinilig nang maganap ang “first date” nila Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub na inabangan din ng mga GMA Pinoy TV subscribers abroad. Katunayan ay muling gumawa ng bagong record sa Twitter ang AlDub dahil sa mahigit 12 million tweets na naitala gamit ang hashtag na #ALDUBMostAwaitedDate sa loob lamang ng isang araw.

Sa bago nitong reklamo, isinumite ng GMA ang mga reports na nakalap sa pamamagitan ng email, Facebook at GMA hotline mula September 1 hanggang 8, 2015 .

Show comments