Sa totoo lang, natuwa naman kami noong isang araw nang marinig naming ang pelikulang Heneral Luna ay ipadadala nga sa 2016 Oscars para sa kanilang best foreign language film category.
Siguro isa kami sa unang nakapanood ng pelikulang iyan, dahil nakulong nga kami ng malakas na ulan noon sa isang mall. Inaamin naming nagustuhan namin ang pelikula. Nagustuhan namin ang pagkakatalakay nila sa kasaysayan, bagama’t inamin nila na iyon ay “fictionized” mas malapit iyan sa katotohanan kaysa sa mga unang pelikulang nagawa na, na pinasama pa ang character ni Luna.
Mahuhusay naman ang mga artista. Ang mas napansin nga lang namin noon ay si Aaron Villaflor na sa palagay namin ay nakapagbigay ng malakas na support sa pelikula dahil sa sensitibo niyang acting.
Nalulungkot kami na kulang nga ang suporta ng ating publiko sa pelikulang iyan. Marahil sa hangad nilang mas malaman ng mga tao ang tunay na kasaysayan, nag-alok pa sila ng 50% discount sa mga estudyanteng manonood ng pelikula. Bukod nga iyan sa katotohanang mababa na ang admission prices nila na 196 pesos lang, at kung senior citizen pa, mapapanood iyon ng libre.
Noong una kaming manood, mga 12 yata kami sa loob ng sinehan. Iyong kaibigan naming nanood at nag-enjoy din naman, ang sabi walo lang daw sila sa isang screening. Bakit nga ba ganoon?
Ngayon isinali iyan sa Oscars. Huwag nating asahan na mananalo iyan. Kung manalo napakasuwerte na natin, kasi kahit naman sa Oscars ay uso ang “lobbying”. Ibig sabihin may “lakaran” din naman, at iyong mga kalaban nating mas sanay at mas mapera, may mga public relations ay may lobbying firm na kinukuha para ikampanya ang kanilang mga pelikula. Aywan kung mayroon din tayong ganoong kakayahan. Hindi iyan kagaya dito sa atin na “kaunting lagayan lang” na minsan ay tatlo hanggang limang libong piso lang boboto na ang mga kasali sa award giving bodies. Huwag na nating ikaila iyan dahil talaga namang nangyayari. Tumaas na nga iyan eh. Noong araw natatandaan namin, naglagay lang ng dalawandaan ang isang executive ng isang recording company noon, naipanalo na niyang best actress ang kanyang manok. Marami ang nakakaalam niyan.
Pero sa US, iba ang labanan. Hindi lagayan ang usapan sa lobbying. Mas mahirap ang laban doon dahil kailangang makumbinsi mo talaga silang iboto ka. Palagay namin hindi pa natin kaya iyon.
Mayroong nagtangka noong araw eh, kung natatandaan ninyo noong makasali rin diyan ang isang pelikula ni Judy Ann Santos, kumuha sila ng mga tao para mag-lobby din. Pero maski naman noon sinasabi namin, hindi natin kaya ang gastos sa pagla-lobby.
Kaya nga ang mga pelikula natin, nakakalusot lang sa mga hotoy-hotoy na film festivals na walang ganyan, kung hindi ang nagpapatakbo ay iyong mga “supposed to be art enthusiasts” lamang. Hindi kailangan ng lobby doon. Pasalamat pa nga sila kung may dumayo sa kanila at sumaling pelikula.
Mayroon pa nga kaming narinig na tsismis diyan eh, may isang director diumano na “ipinakilala” niya ang kanyang leading man sa ilang bading na organizers at jurors ng sinalihan nilang festival. Iyong leading man ang ipinang-lobby niya. Ayaw na naming sabihin kung nanalo nga sila o hindi. Pero matindi ang mga tsismis na iyan kahit na noong araw pa.
Mahirap ang bansa natin eh, at karaniwang tinitipid kung di man binabarat ang ating mga pelikula. Papaano mo maaasahang manalo tayo sa mga major awards sa abroad?