Noon pa namang una, sinabi na ni Coleen Garcia na kung siya ang tatanungin, ayaw sana niyang mapanood ng kanyang boyfriend na si Billy Crawford ang pelikula niyang Ex With Benefits, kasi talagang medyo matindi ang love scenes nilang dalawa ni Derek Ramsey sa pelikulang iyon. Pero sabi nga ni Coleen, gusto raw iyong makita ni Billy.
Natural lang naman na abangan ‘yun ng mga tao, ano nga ba ang reaksiyon ni Billy lalo’t ang kasama ng kanyang girlfriend sa eksenang iyon ay ang sinasabing isa sa pinakaseksing actor sa ngayon.
Matapos niyang mapanood sa initial screening, sinabi naman ni Billy na hindi siya nagselos pero, “siyempre nasaktan din naman”.
Ewan kung ano nga ba ang kaibahan ng pagseselos doon sa sinabi niyang nasaktan siya nang makita niya ang kanyang girlfriend sa isang love scene.
Mas masakit pa ang sinasabi ng ibang mga kritiko na mukhang ngayong pumasok na sa pelikula si Coleen, at sa naging pagtanggap sa kanya ng publiko, maiiwan niya sa popularidad si Billy. Pagkatapos kasing subukan ang international scene, nagbalik si Billy sa Pilipinas at mukhang naging kuntento na sa kung ano ang ginagawa niya sa ngayon. Sa ngayon naman bukod sa kanilang noontime show at sa iba pang shows kung saan siya guest, wala na siyang ginagawang iba. Iyong kanyang girlfriend, walang dudang papataas na nga ang career.
Pero sana hindi naman maapektuhan ng ganyang sitwasyon at ng mga ganoong issues ang kanilang relasyon. Personal naman ang kanilang relasyon, iba naman ang sitwasyon ng kanilang career. Sumikat naman si Billy noong araw pero mukhang hindi na nga niya nabago ang kanyang style. Iyong huli niyang pelikula na isang comedy, flop pa sa takilya.
Career ni Mike Tan napag-iwanan, inaabala na lang ang sarili sa paglalangoy
Napanood namin sa tv, iyong participation ni Mike Tan sa isang aquathlon. Ipinakita pa niya iyong kanyang mga gadget, at kung papaano ginagamit ang mga iyon. Ipinapaliwanag din niya kung ano ang kabutihan ng ganoong klase ng mga kumpetisyon sa kalusugan ng katawan.
Kung ang isang tao ay nakapagsasanay at nakasasali pa sa mga ganoong sporting events, ibig sabihin he enjoys the luxury of time. Kung wala kang panahon hindi ka puwede sa ganoong klase ng kumpetisyon dahil mahabang oras ng training ang kailangan diyan.
Kung mayroon pa namang ganoong panahon, isa lang ang ibig sabihin noon, wala kang masyadong ginagawa. Matagal na rin namang walang trabaho si Mike Tan. Hindi ba ang huli pa niya ay iyong bilang baklang kapatid ng tomboy character na ginampanan naman ni Rhian Ramos?
Sa tuwing tatanungin siya sa mabagal na takbo ng kanyang career, ang lagi lang sinasabi ni Mike Tan, kung noong araw nakapagtiis siya ng isang taong walang trabaho eh. Naghihintay lang naman siya kung ano ang ipagawa sa kanya ng network.
Pero ano nga ba ang kulang kay Mike Tan? Kung iisipin mo may hitsura naman. Marunong namang umarte. Maski nga role ng bakla ginawa na niya. Ano pa nga ba ang magagawa ni Mike Tan para siya sumikat nang husto?
Ngayon magsisimula na naman ang Starstruck. May mga mas bata na namang papasok sa showbusiness. Ano nga ba ang mangyayari sa mga naiwan na ang career na kagaya ni Mike?