MANILA, Philippines – ‘Unkabogable’ pa rin ang blockbuster concert series ni Vice Ganda pagdating sa ibang bansa dahil full house ang Japan leg ng Vice Gandang Ganda Sa Sarili in Tokyo hatid ng The Filipino Channel (TFC) sa Hibiya Kokaido Hall kamakailan.
Humigit-kumulang na dalawang libong Pinoy ang dumagsa.
Proud na proud ding dinala ni Vice Ganda ang slogan nitong #ProudToBeMe sa kanyang pag-awit ng mga songs of empowerment gaya ng Beautiful ni Christina Aguilera at Perfect ni Pink sa nasabing concert.
Hindi naman mapigilan ang paghiyaw ng mga kababaihan dahil sa sexy dance moves ng Kapamilya heartthrob na si Rayver Cruz nang sayawin nito ang Twerk It Like Miley ni Brandon Beal. Pinatunayan din ni Rayver na hindi lang siya magaling sa pagsayaw dahil hinarana rin niya ang mga kababaihan sa kaniyang performance ng All Of Me ni John Legend at Jealous ni Nick Jonas. Dumagdag pa sa kasiyahan ang mga komedyanteng sina Mc at Lassy na nagpahalakhak pa sa mga manonood.
Pahayag ng Unkabogable Star sa kanyang concert ay intensiyon niya at TFC talaga na madala ang concert sa bansang tulad ng Japan para kahit paano ay makapagdala ng ngiti sa mga Filipino. “Ang concert na ito ay para sa inyo, madlang people sa Tokyo. Sa araw-araw na pagta-trabaho ninyo at sa layo niyo sa Pilipinas, you deserve an entertainment like this at happy ako na napapasaya ko kayo sa munting palabas na ito.”
Dagdag naman ng Managing Director for Asia Pacific of ABS-CBN Global, Ltd. Philippine Branch na si Ailene Averion, ang mga event gaya ng Vice Gandang Ganda Sa Sarili ay regalo ng TFC para sa mga kababayan na malayo sa Pilipinas.
Ayon naman sa ABS-CBN Country Manager na si Chris Santos, hindi malayong magdala pa ng mas maraming entertainment ang TFC sa pamamagitan ng events nito dahil sa suporta ng mga Filipino sa Japan.
Mapapanood naman ang Gandang Ganda Sa Sarili Manila concert via sa official online service ng TFC ang TFC.tv