Wala nang atrasan ang historic farewell episode ng Startalk sa September 12.
Kasabay ng pagbababu ng Startalk sa telebisyon ang 20th anniversary celebration ng aming programa na nag-umpisa noong October 8, 1995 at napanood mula sa Ciudad Fernandina, Greenhills.
Sina Boy Abunda at Kris Aquino ang mga original co-host ko sa Startalk. Bitbit pa ni Kris sa pilot telecast ng Startalk si Joshua na sanggol pa lamang noon.
Ngayon, matangkad pa sa akin si Joshua at pareho nang nag-ober da bakod sa ABS-CBN sina Kuya Boy at Kris.
Huling episode ng Startalk, magiging makasaysayan!
Sasagutin namin sa historic farewell episode ng Startalk sa September 12 ang mga nakakaintriga na tanong.
Sino ba ang madalas kong batiin sa Startalk? Sino ang pinakamaarte sa mga host? Sino ang primadonna? Sino ang may attitude problem.
Tinitiyak namin na magiging makasaysayan at unforgettable ang huling episode ng Startalk sa GMA-7!
Wally hindi nauubusan ng gagayahin
Siniguro ni Wally Bayola na madaragdagan pa ang mga karakter na gagampanan niya sa phenomenal KalyeSerye ng Eat Bulaga.
Hit na hit sa televiewers ang mga karakter ni Wally, lalo na si Lola Nidora, ang amo ni Yaya Dub.
Malaki ang pasasalamat ni Wally dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng publiko matapos na masangkot siya sa isang malaking eskandalo na muntik nang tsumugi sa showbiz career niya.
Dahil sa sobrang lungkot ng ama, Kylie hindi kayang tingnan si Robin
Kinumpirma ni Kylie Padilla na malungkot na malungkot ang kanyang tatay na si Robin Padilla dahil nalaglag ang triplets na ipinagbubuntis ni Mariel Rodriguez.
Ang sey ni Kylie, hindi okey si Robin na dinaramdam nang husto ang nangyari. Naiintindihan ni Kylie ang posisyon ni Robin na marami rin ang isinakripisyo para sa magiging mga anak sana nila ni Mariel.
Sinabi ni Kylie na wala itong kakayahan para baguhin ang sitwasyon kaya love and support lamang ang maibibigay niya sa kanyang ama at stepmother.
Mahigpit na yakap ang ibinigay ni Kylie nang magkita sila ni Robin. Hindi raw niya tiningnan ang kanyang ama dahil malungkot na malungkot ito.
Direk Maryo, ‘di nawawalan ng pag-asang magkakaroon ng hustisiya ang pagkamatay ni Ozu Ong
Under investigation pa rin ang pagpatay sa Masculados Dos member na si Ozu Ong at ayon ito sa kanyang manager, ang direktor na si Maryo J. delos Reyes.
Ang development sa imbestigasyon ng pagpaslang ang itinanong kay Kuya Maryo ng mga reporter na nakausap niya sa birthday celebration ni Mother Lily Monteverde sa Valencia Events Place noong August 19.
Hindi nawawalan ng pag-asa si Kuya Maryo at ang mga nagmamahal kay Ozu na magkakaroon ng hustisya ang bayolente na pagpatay sa kanya noong August 2 sa Angono, Rizal.
Regal Films, sabay-sabay na ginawa ang apat na pelikula
Apat na pelikula ng Regal Entertainment Inc. ang magkakasabay na ginagawa, ang No Boyfriend Since Birth, The PreNup, Haunted Mansion at ang Resureksyon.
Ipinakita sa birthday party ni Mother Lily ang mga teaser ng coming soon movies ng kanyang film outfit.
Starring sa The PreNup sina Sam Milby at Jennylyn Mercado. Ewan ko lang kung matutuloy ang plano na palitan ang pamagat na The PreNup para lalong maka-relate ang masa sa unang movie team up nina Sam at Jennylyn.
Mga bida naman sa No Boyfriend Since Birth ang real life lovers na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez, isang barkada movie ang Resureksyon na tinatampukan nina Paulo Avelino, Jasmine Curtis Smith at Isabelle Daza. Samantalang sina Janella Salvador, Marco Mortel at Jerome Ponce ang lead stars ng The Haunted Mansion na kasali sa Metro Manila Film Festival 2015.