MANILA, Philippines - Diretsahang binuweltahan ng Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces ang walang puknat na birada sa anak na si Senadora Grace Poe na isa siyang foundling, ampon at napulot lang kaya hindi puwedeng masabing Filipino citizen. Hindi nga naman sila ang nagpalaki sa anak kaya ramdam ang damdamin ng isang ina sa pahayag niya sa entertainment media na dumating sa renewal ng contract niya para sa Champion detergent sa EDSA Plaza Hotel sa Mandaluyong nu’ng Martes ng tanghali.
“Sa kanyang pagiging pulot, sa kanyang pagiging foundling, sa kanyang pagiging ampon? ‘Yang mga salitang ‘yan ay malaking bahagi ng pagpapalaki ko sa aking anak. Never ko siyang tinawag na adopted. Never ko siyang tinawag na ampon. Lalong never, never ko siyang tinawag na pulot! How dare they use that word!” malumanay pero matapang na pahayag ni Tita Susan.
“Grace is our daughter! Nakakabit pa ang pusod niya nu’ng siya ay matagpuan sa simbahan ng Jaro (Iloilo). Kukuwestiyunin nila kung citizen siya ng bansang ito? Hindi ko alam kung ano ang pamantayan nila.
“Binalewala nila ang paggamit niya ng pangalan ng kanyang ama, Ronald Allan Poe at ang aking pangalan, Jesusa S. Poe nu’ng siya ay nag-fill up ng application ng kanyang candidacy. Bakit?
“Anong karapatan nila na pawalang-bisa ‘yung pinaglaban namin sa korte? Para magkaroon siya ng tunay na birth certificate? Maliit na ba si Grace noon. Itinadhana ng Panginoong Diyos na kami ay magkakasama.
“Tinuturing kong mapalad ako. Napakapalad ko dahil biniyayaan kami ng anak ng Panginoong Diyos. Oo, siya ay natagpuan sa simbahan. Sabi ko nga sa anak ko, ‘Anak, mabubuti ang mga tao. Kung sino man sila, dahil hindi ka nilang tinapon sa basura, sa bahay ng Panginoong Diyos ka nila inilagak.’
“Salamat at pinagtagpo ang ating landas dahil na ipinangalangin ko sa Diyos na magkaroon ako ng anak. At diniskrayb ko ang hitsura niya. Sabi ko, ‘May mga matang katulad mo na nagniningning. May kulot na buhok na katulad mo.’
“Ngayon, basta-basta may darating na lang at sisirain ang lahat ng ‘yan. Wala silang karapatan na duru-duruin ang anak ko at tawaging hindi citizen ng bansa!” paliwanag ni Tita Susan sa lahat ng birada sa anak.
Hindi lang daw isang ina na hindi hayop ang nakakaramdam ng nararamdaman niya para sa inaaping anak.
“Kahit hayup, nasasaktan kapag minamaliit at hindi ginagawan ng tama (ang anak). Pagmasdan ninyo ang kilos ng isa askal (asong kalye). Hindi naman ‘yung mga hybrid na aso. Makikipaglaban ng patayan ‘yan sa pagtatangol. Huwag mong mahipu-hipo ang anak na tuta ng bagong panganak na inahin na aso. Sasakmalin ka niyan!” rason ng Reyna.
Sakaling magdesisyon ang anak na si Sen. Grace na tumakbo sa mas mataas na posisyon next year, gusto niyang maging positibo sa paningin lalo na sa mas matinding darating na bira sa anak.
“Napakaraming problema ng ating bansa. Ito ay pansarili ko lang damdamin bilang isang ina. Pinalaki ko ang aking anak na maging independent. Hindi ko siya binaby talk habang pinalalaki ko siya.
“There was always her voice heard at home. Hindi namin siya diniktahan. Hindi namin siya dineprive. Lumaki kung paano natin inaasahan na patakbuhin ang gobyernong ito.
“So kung bibilangin mo ang experience, hindi mo mabibilang sa ganoon lang. Kung ano ang edad niya ‘yung ang tagal ng eksperyensiya kung paano pairalin ang patas sa lipunan dahil ‘yan ay nagsisimula sa tahanan.
“Ang unang nagtuturo sa iyo niyan ay ang iyong mga magulang. How you live your life at home. Your daily practices. Your compassion for the less fortunate who are working for you.
“’Yun ang unang training mo, kung paano mo paiiralin ang gobyerno natin sa kasalukuyan. ‘Yun ang kailangan natin. Sa ating pamamahay magsimula. Lahat ng patas na tao,” katwiran niya.
Sinagot din ni Tita Susan ang dagdag na panira kay Sen. Grace na lasenggera at nananakit ng kasambahay.
“Siguro, marami silang pelikula ni FPJ na napanood! Ha! Ha! Ha!” biro ng veteran actress.
“’Yung mga bagay na ganyan, hindi na dapat patulan! Kahit ano naman ang sabihin ko o ng miyembro ng pamilya namin ay hindi nila paniniwalaan kung ayaw nilang paniwalaan!
“Ang masasabi ko lang, hindi namin naging ugali ‘yan. At siguro naman, hindi ko naman papayagan na maging ganoon ang anak ko!” dagdag ni Tita Susan.
Higit nga raw mas matindi ang natatanggap na paninira sa anak ngayon kumpara nu’ng tumakbong presidente ang asawa.
“Mas personal kasi ngayon. Sinisira na ang pagkatao niya! wala silang karapatan para magsalita ng ganoon. Although hindi dapat ikagalit.
“Katulad nga ng sinabi ko kanina sa aking interview tungkol sa Champion, ngayon, libreng namamahayag ang mga tao at this is a fine opportunity and I’d like to think of it on a positive note.
“Ngayon, may pagkakataon. Halungkatin na nila kung ano ang gusto nilang halungkatin! I will appreciate kung mapu-produce nila, kung sinumang tao ang makaka-match ng DNA ng anak ko!
“Aba, eh magpapasalamat ako sa kanya dahil matagal na naming hinahanap!” dahilan ni Tita Susan.
Pagdating nga lamang sa magiging desisyon ni Sen. Grace sa 2016, wala itong puwang sa tuwing magkakasama sila dahil ‘yung maiksing oras na pinagsasamahan nila, ang bonding nilang mag-ina ang una nilang prayoridad.
“Ayokong magbigay ng opinyon. Ayokong magbigay ng suhestiyon! Kung meron man akong nakikitang mali, paaalalahanan ko siya bilang ina. But beyond that, hindi siguro dapat (makialam),” katwiran ng Reyna ng Pelikula.
Bukas ay birthday ni Da King. Magkakaroon ng misa sa North Cemetery sa Manila at sa gabi ay ang celebrity preview ng Ang Probinsyano sa Trinoma bilang pag-aalala sa yumaong asawa.
Komo nga ang hashtag ng bago niyang Champion commercial ay Champion sa Katapatan, puwede niya bang ipagamit ‘yon sa anak kung sakaling tumakbo bilang Presidente?
“Ha! Ha! Ha! Ako po ang nag-i-endorso. Ang pananalita na ‘yon ay libreng gamitin ng sinuman!” saad ni Tita Susan.