Ok na raw ngayon ang mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion. Nagsimula iyan nang ipatawag si KC ng kanyang ina sa ospital nang ma-confine ang Megastar dahil sa matinding ubo.
Palagay namin, iyong tampuhan nilang dalawa ay hindi talaga ganoon kalalim. Kaya nga lang sila mismo ay nakapagbigay ng statement na lumaki nang makalabas sa publiko. In fairness naman kay KC hindi siya sumagot sa ermat niya. Sa halip kapansin-pansin ang mga ginawa niyang moves para hindi man biglaan ay mawala naman ang sama ng loob ng ermat niya sa kanya.
Siguro nga nabigla lang din si Sharon, dahil may mga pangyayari sa buhay nila ng kanyang anak na hindi niya inaasahan. Una na nga siguro ang pagbukod noon ng kanyang tirahan, iyong naging kagustuhan ni KC na may mamuhay independently. Pero kung iisiping mabuti, may pinagmulan din naman iyang lahat ng iyan.
Para mailayo nga ang kanyang anak sa mga kaguluhan ng showbusiness, at dahil gusto ni Sharon na mapanatili ang privacy sa buhay ni KC, talagang pinag-aral siya sa abroad. Dahil doon naging independent si KC. Sa kaso naman kasi ni Sharon, nabuhay siyang ang nakagisnan ay talagang close ang kanilang pamilya, kaya doon nagkaroon ng kaibahan.
Pero at least nagkakaintindihan naman sila ni KC at tama na iyon.
Namayapang kapatid ni Ninoy na si Butz Aquino, nakalimutang magaling din na aktor
Noong isang araw pa, flooded ang social media ng condolence notes sa pagyao ng dating senador na si Butz Aquino. Marami silang nasabi tungkol sa kanya, iyong pamumuno halimbawa sa mga rally noong martial law years, ang pagtatatag ng ATOM (August Twenty-One Movement) matapos na mapaslang ang kanyang kapatid na si Ninoy Aquino, at ang naging partisipasyon niya sa People Power sa EDSA. Nabanggit din pati ang kanyang sinasabi na “I love my country more than my president” nang hindi siya makiisa noon sa kagustuhan ni President Cory tungkol sa US bases.
Pero may nakakalimutan silang bagay, hindi yata nila nababanggit na si Butz Aquino ay isang kinikilalang aktor bago pa man siya maging senador, congressman at street parliamentarian.
Noon basta kailangan ang gaganap sa role ng tatay na mayaman, o kaya isang abugado, o kahit na sinong inirerespetong character, si Butz Aquino agad ang maiisip. May panahon na sa kanya napupunta ang mga roles na unang inisip na ibigay kay Eddie Garcia. Sinasabi nila noon na si Butch Aquino ay isang competent actor.
Talaga namang magaling siya at nananalo siya ng mga award. Ewan kung bakit nga ba parang nakakalimutan nila ang katotohanan na siya ay isang artista.