Not guilty ang inihain ni Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts sa graft and corruption na demanda sa kanya ng Ombudsman sa 4th Division ng Sandiganbayan.
Kahapon ang arraignment ni Ronnie sa Sandiganbayan at kasama niya na umapir sa korte ang running priest na si Fr. Robert Reyes at ang kaibigan na aktor na si Rez Cortez na nagbigay sa kanya ng moral support.
Idinemanda si Ronnie dahil sa bintang na pinayagan niya na ibalik sa Sky High Marketing Corp ang mga DVD at VCD na kinumpiska ng OMB noong May 2010.
Sa interbyu kay Reyes, sinabi nito na hindi isasakripisyo ni Ronnie ang karangalan kapalit ang P400,000.
Bago pa idinemanda si Ronnie sa Sandiganbayan, well-versed na ako sa kaso niya dahil kay Edu Manzano na may sapat na kaalaman tungkol sa isyu.
Hindi nangimi si Edu na magsalita sa media tungkol sa mga bintang laban kay Ronnie pero nanahimik na siya mula nang dalhin sa Sandiganbayan ang usapin.
Miguel susugod sa Indonesia!
Matutuwa ang Indonesian fans ni Miguel Tanfelix kapag nalaman nila na may plano ang young actor na bumisita sa kanilang bansa.
Sikat si Miguel sa Indonesia dahil sa kanyang mga dubsmash video at matindi ang request ng Indonesian fans niya na makita siya nang personal.
Hindi na matatagalan ang paghihintay ng mga tagahanga ni Miguel sa Indonesia dahil mapagbibigyan na ang kanilang hiling, very very soon!
Getting ready na ang bagets kaya nag-aaral na siya ng Bahasa, ang lengguwahe sa Indonesia.
Mark Anthony may bagong soulmate na!
Malabo na ang posibilidad na magkabalikan si Mark Anthony Fernandez at ang kanyang estranged wife na si Melissa na tuluyan nang naging ex niya.
May bago nang girlfriend si Mark na si Diana ang name ng 23-year old na model.
Nakilala ni Mark si Diana dahil sa kanilang common friends.
Si Mark ang nagkuwento na malapit na silang magsama ni Diana. Sa mga hindi nakakaalam, nakatira si Mark sa isang condominium building sa Pampanga. Gustung-gusto niya sa nasabing lugar dahil tahimik at nakakalanghap siya ng sariwang hangin.
May dalawang anak sina Mark at Melissa. Ang sey ni Mark, knows ni Melissa ang tungkol sa relasyon nila ni Diana na itinuturing niya na soulmate.
Sana nga, si Diana na ang huling babae sa buhay ni Mark pero nakakalungkot na humantong sa hiwalayan ang relasyon nila ni Melissa.
Saksi pa naman ako nang magsumpaan sina Mark at Melissa na magsasama sila, sa hirap at ginhawa dahil ninang ako sa kasal nila noon. Inaanak ko rin si Mark sa binyag kaya matunog na ninang ang tawag niya sa akin.
Nakatira noon sina Mark Anthony at Melissa sa isang condominium building sa Greenhills, San Juan.
May nagsabi sa akin na ibinenta na ang nasabing condo unit dahil lumipat na si Melissa at ang mga anak nito sa Paranaque City.
Matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap sina Mark at Melissa kaya clueless ako sa mga nangyari sa pagsasama nila. Basta ang alam ko, si Melissa ang personal na nag-aasikaso sa showbiz career ni Grae, ang anak nila ni Mark na contract star ng ABS-CBN at Star Magic. Nabuntis at nagsilang si Melissa ng baby boy noong panahon na nagkakalabuan sila ni Mark at kahit dalawa na ang kanilang anak, hindi ito ang naging dahilan para magkabalikan sila.