Richard nasungkit ang Best Actor award sa Fantasporto

Mas una nang narinig ni Richard Gomez na nanalo siyang best actor sa Fantasporto, o 55th Oporto International Film Festival na ginanap sa Portugal noong Sabado, March 7. Immediately after winning as best actor, may nagsabi na agad kay Goma na nanalo siya. Naibalita niya sa amin na may nagsabing nanalo siya, pero nakiusap siyang huwag munang ilabas iyon dahil hindi pa nga confirmed. Wala pa namang official news release, maging sa mga news sites sa Internet tungkol doon.

Iyang Fantasporto ay isa sa malalaking film festivals na idinaraos taun-taon na libu-libong pelikula ang kasali mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Mula sa mga iyon, pumipili sila ng mga ilalagay sa competition proper na siyang pinapapanood sa final jury at doon kumukuha ng mga nananalo. Pero sinasabi nga nila, iyong makapasa ka lang sa first set ng jury, ibig sabihin ay para ka nang nanalo dahil sa rami ng nag-aambisyong makasali roon.

Nang mapabilang ang kanilang pelikulang The Janitor, sinasabi ni Goma na nakakatuwa naman at nakasali iyon sa competition proper, lalo na nga’t kung iisipin na hindi naman matatawag na high budget film iyon. Ang maganda pa roon, iyang pelikulang iyan ay kumita rin naman nang mailabas sa mga commercial theater sa ating bansa.

Pero matapos lamang ang ilang minuto ng chat naming iyon ni Goma, lumabas na ang official announcement ng Fantasporto at nakita nga naming nanalong best actor si Goma para sa pelikulang The Janitor. Walang ibang award na nakuha ang pelikula, maliban sa pagiging best actor ni Goma. Sinasabi nga nilang may isa pang pelikulang Pilipino na isinali rin pero walang nakuhang kahit na anong pagkilala.

Maganda ang nangyaring iyan. Sinasabi mang ang pelikula natin ay hindi nakipagsabayan, dahil puro malalaking budgeted na pelikula naman ang ibang kalaban, kinilala naman ang kahusayan ng isa nating actor.

Pagbalik ni Sharon sa ‘pinanggalingan’ hindi na nakakagulat

Hindi namin pinansin iyong lumabas sa Internet noong isang araw na sinasabing countdown daw ni Sharon Cuneta sa kanyang pagbabalik sa show business. Hindi na rin namin pinatos ang mga tsismis na magbabalik siya sa ABS-CBN. Hindi na iyan tsismis.

Noong sabihin ni Sharon noon na magbabalik siya kung saan talagang mahal siya at pinahahalagahan siya, alam na naming sa ABS-CBN iyon. Nang umalis naman si Sharon sa ABS-CBN, maliwanag na dahil matindi talaga ang offer sa kanya ng TV5. Inamin naman ng mga taga-ABS-CBN na sinabihan nila si Sharon na tanggapin ang offer dahil hindi nila kayang pantayan iyon.

Noong matapos ang commitment na iyon at gustong lumipat ni Sharon, saan pa nga ba siya pupunta kundi doon sa subok na niya. Palagay namin iyan iyong gagawing announcement ng ABS-CBN ngayong araw na ito.

Poging aktor hindi mahilig maligo!

Nagtatawanan sila noong isang araw sa isang TV network dahil nagbibiruan ang staff na gagawa sila ng isang sitcom na ang title ay “Pogi Pero Hindi Goli” at ang sinasabi nilang bida ay isang male star sa network nila. Dalawang ulit na nga raw nangyayari na dumating iyon sa network para sa meeting nang amoy na amoy mong mukhang walang ligo, kaya inuutusan muna nilang maligo doon na mismo sa studio at magbihis naman.

Bakit nga ba may mga taong ganoon. Hindi ba nila naaamoy ang sarili nila?

Show comments