Unang Hirit susubukang gumawa ng pinakamalaking pandesal!
MANILA, Philippines - Mas masayang umaga ang ihahatid ng longest-running morning program na Unang Hirit sa pagsisimula ng kauna-unahang UH Almusal Festival ngayong Lunes!
Sa pangunguna ni Arnold Clavio kasama ang mga Kapuso host na sina Susan Enriquez, Rhea Santos, Ivan Mayrina, Connie Sison, Suzi Abrera, Lyn Ching, Love Anover, Lhar Santiago, Luane Dy, at Tonipet Gaba, hatid ng Unang Hirit barkada tuwing umaga ang pinakamalalaki at maiinit na balita, masasayang chikahan, masasarap na pagkain, bagong adventures, weather forecast at traffic updates, at iba pang mga maiinit na pinag-uusapan ngayon.
At dahil sa loob ng 15 taon ay naging bahagi ang Pambansang Morning Show sa umaga ng mga manonood, muling ipaaalala ng UH ang kahalagahan ng pagkain ng almusal sa pamamagitan ng paglulunsad ng UH Almusal Festival simula ngayong Lunes.
Ang UH Almusal Festival ay sabay-sabay na ilulunsad sa ilang bahagi ng bansa kabilang na ang Luneta sa Maynila, Session Road sa Baguio City, at sa Cebu Dancing Inmates Penitentiary grounds sa Cebu City kung saan magkakaroon ng isang espesyal na boodle fight tampok ang ilan sa mga paboritong agahan ng mga Pinoy tulad ng danggit, daing, tocino, tapa, longganisa at iba pa.
At dahil isa rin sa mga paboritong almusal ng mga Pinoy ang pandesal, susubukan ngayong Lunes ng UH na magtala ng world record sa pamamagitan ng UH Giant Pandesal sa pakikipagtulungan sa ilang kilalang panadero. Pagdating naman sa Biyernes, Marso 6, tuluy-tuloy ang kasiyahan ng UH Almusal Festival na gaganapin naman sa Quezon City Memorial Circle, Calle Crisologo sa Vigan City, at Davao People’s Park sa Davao City.
- Latest