MANILA, Philippines – Natutuwa naman ako sa magandang nangyayari sa career ng Kapuso young actor na si Julian Trono na masuwerteng naispatan ng isang Korean Agency na nakabase rito sa Pilipinas. Ang purpose ng ahensiya ay makakita ng mga Filipino talent na may talento na pasukin ang K-Pop genre na laganap sa Korea at maraming followers sa iba’t ibang bansa gaya ng Pilipinas.
Dahil siya ang napili ay ipinadala ng nasabing ahensiya in collaboration ng GMA Artist Center sa Korea ang young actor para mag-training at mag-workshop doon ng dalawang linggo kasabay sa pagbuo ng isang single na Wiki Me ila-launch sa GMA Sunday All Stars sa Feb 22.
Habang nasa Korea ay nag-perform din si Julian sa Show Champion na parang Sunday All Stars dito sa Pilipinas na napapanood doon nationwide. Bukod diyan ay nag-guest din daw si Julian sa iba’t ibang TV at radio shows doon kasama ang Arirang TV.
Si Julian ay matagal na rin sa showbiz at noon pa man ay sinasabing siya na raw ang susunod sa yapak ni Mark Herras na tinaguriang bad boy ng dance floor pero mukhang nahigitan niya si Mark at puwede niyang ma-penetrate ang international market.
Bagay na bagay naman kay Julian ang K-Pop dahil mukha naman siyang Koreano.
Alma babawalan muna ang anak makipagkita sa ama
Pitong buwan na palang hindi nakakatanggap ng sustento ang anak ni Alma Concepcion kay Dody Puno, kapatid ng TV personality na si Dong Puno.
Ito ang nilalaman ng open letter ni Alma kay Dody sa kanyang FB account. Sa sobrang kabisihan ni Alma sa kanyang board exam ay hindi raw niya namalayan o nabigyan ng panahon ang hindi pagsusustento ng ama sa kanyang anak.
Ilang beses na raw niyang kinokontak si Dody pero wala raw response at hindi siya kinakausap. Ito ang dahilan kung kaya sa FB niya idinaan.
Kahit papaano raw ay makarating ang sulat niya sa mga kaibigan o kamag-anak ni Dody na makakabasa nito.
Kaya naman daw ni Alma na buhayin ang anak pero gusto niyang hindi mawala ang obligasyon ng ama nito.
Sa ngayon ay babawalan muna raw niya ang anak na 14 years old na makipagkita sa ama habang hindi nareresolba ang problema sa sustento.
Chris Tiu masipag kahit sobrang yaman na
Nagtataka lang kami kung bakit sa magandang kinagisnan ni Chris Tiu ay hindi siya napapagod magkawanggawa. May sariling negosyo bukod sa kayamanan ng pamilya niya na kaparte siya.
Sa nakuha naming impormasyon ay pinalaki raw sina Chris ng tama ng mga magulang. Kahit mayaman ay hindi ipinaramdam sa mga bata ang mga kapritso na ginagawa ng mayayaman. Tama lang at hindi sobra ang mga allowance ibinibigay sa kanila habang nag-aaral. Kaya siguro sa murang edad ay marunong na sa negosyo si Chris.
Kaya bukod sa mga trabaho at kawanggawa ay hindi napapagod si Chris na gawin ang I Bilib every Sunday morning sa GMA 7. Sa programang ito ay nabibigyan niya ng karagdagang edukasyon ang mga batang Pinoy tungkol sa syensa. Ito ay bukod pa sa mga bagets na nabibigyan niya ng basketball training.