Vin hindi alam na ginawang ‘girlfriend’ ni Ahron ang ka-love team na si Sophie!

Paboritong primetime viewing pleasure na ang Wattpad Presents ng TV5 gabi-gabi at 9:00 p.m. Kaya bilang pasasalamat, itinuloy na nila ito sa second season at since Love month ang February, four new love stories ang mapapanood every week. Mapapanood simula mamayang gabi ang Cupid’s Fool na magtatampok kina Sophie Albert at Ahron Villena. Bakit kaya hindi si Vin Abrenica ang lea­ding man ngayon ni Sophie?

Gusto rin daw siguro ng TV5 na i-partner naman sila sa iba, since marami na rin silang nagawa ni Vin, at sa Wattpad Presents, nagtambal na sila sa Fake Fiance. Meron din episode ni Vin, ang My Fiance Since Birth pero si Yassi Pressman ang katambal nito. Biniro tuloy sa presscon ang dalawa kung may paalaman bang nangyari. Nagpaalam daw ba si Ahron kay Vin? No problem naman kay Yassi, dahil matagal na raw niyang barkada si Vin na kilala na niya dahil sa kuya nitong si Aljur Abrenica. Magkasama sila noon sa Sunday All Stars ng GMA-7.

Sa Cupid’s Fool, si Sophie ay si Ingrid, isang lonely beauty queen at may crush pero walang boyfriend. Si Ahron naman ay ang school heartthrob na si Aleph, nur­sing a broken heart from Monette (Danielle Lee). Nakipag-deal si Aleph kay Ingrid na magpi-pretend silang lovers para pagselosin si Monette. Magtagumpay kaya silang pagselosin si Monette o sila ang mai-in love sa isa’t isa? Sa direksyon ito ni Soxy Topacio.

Bago ang presscon, nakausap muna namin si Sophie at kapag wala pala siyang work, madalas siyang mag-attend ng workshop tungkol sa pagmi-make-up. Kaya kung papayagan daw siya ng TV5, gusto niyang pumunta sa London by July para ituloy sa mas advanced na studies on make-up. Matagal na raw niyang gustong gawin iyon, kaya lamang wala siyang free schedule.

Thankful naman si Ahron na pinapayagan siya ng Kapamilya Network na mag-guest sa ilang shows ng TV5. Sa tanong nga kung nagpaalam siya kay Vin dahil si Sophie ang leading lady niya, hindi raw naman niya nakita sa taping nila si Vin at magkakaibigan naman silang lahat.

Ang dalawa pang episode ay ang Ex Ko ang Idol N’yo with Marvelous Alejo as Chanel at Ranz Kyle of the boyband Chicser as Calix. Mapapanood ito sa February 23 to 27. Bitter Ella naman ang pagtatampukan nina Phytos Ramirez as Ashley at Katrina Velarde a.k.a. Suklay Diva), na ipalalabas sa March 2 to 6. Ang My Fiance Since Birth will air naman on March 9 to 13.

Jennylyn nilayasan agad ang kasal nina Heart at Sen. Chiz dahil sa trabaho

Bumalik agad si Jennylyn Mercado sa Manila after niyang mag-attend ng wedding nina Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista, dahil kailangan niyang mag-report sa taping ng Second Chances. Matitindi na raw kasi ang mga eksena nilang ginagawa na most of it, involved siya kaya hindi siya pwedeng mag-absent. Mahihirap pa nga raw ang mga eksena niya at nakaka-drain dahil umiiyak siya palagi.

Ito na raw iyong torn siya between her love for Bernard (Raymart Santiago) at sa anak nitong si Billy (Joshen Bernardo) at sa itinuturing niyang pa­milya, sina Federico (Roi Vinzon) at Rebecca (Camille Prats). Hindi niya alam kung paano ipagtatapat kina Rebecca na ang hinahanap nitong anak na si Daryl ay si Billy.

 

Show comments