Ano pa nga ba ang halaga kay Governor Vilma Santos ng isa pang acting award? Pero ngayon ay tatanggap na naman siya ng isang award dahil sa pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa sining ng pelikula mula sa National Commission on the Culture and Arts (NCCA). Kinilala siya ng ahensiya ng gobyernong iyon dahil sa kanyang pananalo ng awards mula sa iba’t ibang international film festivals para sa kanyang pelikulang Ekstra. Kung iisipin mo, hindi lang naman iyan ang kauna-unahang pelikula ni Governor Vilma na napalaban sa abroad. In fact, isang pelikula niya ang naging kauna-unahang entry ng Pilipinas sa “foreign language division” ng Oscars.
Si Vilma rin ang isa sa mga aktres na kauna-unahang nagrehistro ng grand slam. Ibig sabihin, siya ang nanalo ng lahat ng awards para sa performance sa iisang pelikula lamang. Pero ang pinakamahalaga, doon sa batch nila, siya lang ang masasabing talagang star pa sa ngayon dahil kumikita pa ang kanyang mga pelikula. Nakakagawa pa siya ng malalaking hits.
Kaya kung iisipin mo, para saan pa nga ba ang isa pang award?
“Mahalaga pa rin naman iyon para sa mga artistang kagaya ko. It’s a pat on the back. Parang sinasabi sa iyong ok pa rin naman ang ginagawa mo. Minsan sasabihin mo na para sa isang kagaya ko na limang dekada nang mahigit sa show business, kailangan pa rin namin ang ganyang assurance mula sa mga tao, lalo na nga sa mga kritiko na ok pa rin naman ang body of work namin,”sabi ni Ate Vi.
Pero nang tanungin namin kung pang-ilang award na ba iyan, hindi na rin niya alam.
“Marami eh, kahit naman noong araw hindi ko binibilang eh. Kasi iyang award basta natanggap mo, assurance mo na maganda ang nagawa mo, pero papaano iyong kasunod? Hindi ko naman sinasabi na umaarte ako para magkaroon ng award. Alam naman ninyo ako, ang foremost sa akin eh iyong mabigyan ko ng kasiyahan ang fans, at kumita naman ang mga producer ng aking pelikula. Iyang acting awards, bonus na lang iyan. Pero nagpapasalamat nga ako eh, maraming bonus,”sabi niya.
Palagay ba niya haharapin pa niya ang challenge ng kanyang showbiz career?
“Wala namang katapusan iyan eh. Iyong artista, laging artista iyan anuman ang ibang marating niya. Ako nga sabi ko, gusto kong harapin ulit ang pag-arte, alam naman ninyo first love ko iyan. Tutal siguro naman nakapaglingkod na ako nang sapat sa bayan namin, kailangan ibigay ko naman sa iba. Hopefully after this, makakapagpahinga na ako at makagagawa ng mga pelikulang matagal nang naghihintay sa akin. Nakakahiya na rin naman sa kanila,” sabi pa ni Ate Vi.
Pag-i-effort nina Heart at Sen. Chiz kulang?!
Nakahanda na raw si Heart Evangelista na maglakad nang mag-isa sa kanyang wedding day. Mukhang nauwi rin nga sa wala ang mga effort nila para ayusin ang problema ng kanyang mga magulang sa kanyang mapapangasawang si Senador Chiz Escudero.
Iyang paghahatid ng ama sa kanyang anak na babae sa altar kung kasal ay isang tradisyong dapat sana ay sinusunod. Pero kung wala namang magagawa talaga, eh ano pa nga ba? Masakit isipin na may mga ganyang hindi pagkakasunduan lalo na sa isang araw na dapat sana ay puro pagmamahalan.
Kung sa bagay ang mahalaga naman ay kung papaano nila haharapin ang kanilang buhay pagkatapos ng kanilang kasal. Pagbutihin na nila iyon para maipakita naman nila sa mga magulang ni Heart na ayos ang kanilang ginawa.