MANILA, Philippines - Naglintanya si Robin Padilla ng kanyang hinaing kaugnay ng labanang nangyari sa kababayan niyang Muslim at miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police.
Isa si Robin sa nananawagan ng kapayapaan sa Mindanao at muli niyang ipinagsigawan sa kanyang Instagram account.
“Parang kahapon lamang ay nagkaisa ang buong bansa upang yakapin at namnamin ang bawat katagang sinabi ng Santo Papa Romano Katoliko, ang lahat ay nangako ng pagbabago sa kanyang sarili lalo ang pag-ibig sa kapwa…
“Ngunit sa isang iglap ay binalot muli ng galit at diskriminasyon ang karamihan ng aking mga kababayan, nagbatuhan ng sisi at maaanghang na mga salita, na naitalang pinakamaraming nagpatayan gamit ang dila sa pamamagitan ng social media.
“Mga mahal kong Anak ng Bayan, mula’t sapul ng ako’y magkaroon ng paraan makapagpahayag dito sa social media, kapayapaan ang aking sigaw, at kaakibat nito ay katotohanan, lalo ang katarungan. Hindi na po tayo dapat magbulag-bulagan, batid nating lahat, na libo libo ang mga namatay na sundalo, rebelde, pulis at lalong-lalo na ang mga walang kinalaman na sibilyan sa ilang dekada ng giyera sa Mindanao.
“Pakiusap ko bilang tayo’y isang lipunan ng Romano Katoliko ay makinig tayo sa Salmo at pagsamo ng Santo Papa. Kailangan ng matigil ang labanan at digmaan. Oras na upang hindi na tayo magpadikta sa mga dayuhang nanggugulo sa ating bayan at tayo tayo ang pinagsasabong.
“Oras na Bayan ko para tayo ay bumangon sa pagkakasadlak at bigyang saysay ang bawat nagbigay at nagbuwis ng buhay para sa Inang Bayan. Mula noon hanggang ngayon, ang Dugo ng ating mga Bayani ay wala pa ring nakakamtam na liwanag ng PAG-UNLAD sa ating mga isip, sa salita at sa gawa…
“Hindi tayo ang magkakalaban mga Kapatid kong Taga-Ilog. Tayo’s mga Pilipino. Magkaisa tayo at makipagdigma laban sa Kahirapan at Korupsyon. Tayo’s bumangon at humakbang para sa Kapayapaan!!! #NotoWar!!! #ILOVE PEACE.”
Dahil sa Fallen 44 na SAF, naging matapang ang ilang artista upang ilabas ang saloobin kay President Noynoy Aquino na ang tagadepensa ay ang kapatid na si Kris Aquino.
Julian Trono suportado ng fans sa pagbabagong image
Lumipad na patungong Korea ang teen actor na si Julian Trono. Kanyang iparirinig roon ang ginawa niyang kanta na akma sa mga K-Pop fans na imahe niyang idisplay ngayon.
Bago nga umalis patungong Korea, nagdaos ng fans day si Julian. Suportado rin kasi nila ang pagbabago ng image niya.
Kung ang kaalaman lamang sa pagsasayaw ni Julian ang kanyang pasaporte sa showbiz, this time, pinakanta na rin siya ng GMA Artist Center. Pagbalik niya sa bansa, tiyak na gugulantangin ni Julian ang showbiz sa bago niyang hitsura.
In fairness kay Julian, nag-trend sa Twitter ang pag-alis niya, huh! Bago umalis, natapos ni Julian ang pelikulang Liwanag sa Dilim kung saan siya ang lumabas na makulit na suitor ni Bea Binene.
Mikael bigay na bigay na sa mga interview, lalo na ‘pag si Megan ang pinag-uusapan!
Natural na lumalabas na ang kadaldalan ni Mikael Daez kumpara nu’ng nagsisimula pa lang siya sa showbiz at in-introduce sa pelikulang Temptation Island. That time din kasi, sumabay ang isang sexy picture niyang biglang kumalat kaya ‘yung management company niya ay panay ang bawal sa press na magtanong tungkol doon.
Eh ngayon, lipas na ang isyu niyang ‘yon, hindi man sinasagot ng diretso, hindi napigil si Mikael sa pagbibitiw ng pahayag lalo na tungkol sa girlfriend niyang si Megan Young. Wala man siyang binibitiwang detalye, may mga sound bites na rin ang kanyang statements, huh!