Vina naghahangad ng award

Nagdarasal daw si Vina Morales na sana ay magkaroon pa siya ng iba pang proyekto para makakuha ng award. Nabanggit pa rin ngang nagde-debosyon siya kay Santo Padre Pio dahil sa mga kahilingang iyan. Mukhang hindi naman malayong mangyari ang kanyang ipinagdarasal dahil noong isang gabi, nakita namin iyong trailer ng kanyang bagong serye na nagsimula na ngayon, ang Nasaan Ka Nang Kailangan Kita.

Natutuwa naman kami sa magandang pananaw sa buhay ni Vina. Iyang batang iyan, masasabi nga natin noong kainitan ng kanyang career, siya ang inaasahang susunod na magiging isang superstar. Medyo nabantilawan ang kanyang career dahil una, nawala ang kanyang pinakamalakas na supporter nang yumao si Mina Aragon. Ikalawa, naapektuhan siya ng naging takbo noon ng kanyang love life. Parang nabigla ang mga fans nang maiba ang kanyang image.

Tapos naman, naging concentrated nga siya sa kanyang singing career. Siguro dahil nagsimula naman siya bilang isang singer. Siguro nga, naniwala ang kanyang mga handlers na iyon ang tama, nakalimutan nila na mas naging sikat si Vina bilang isang aktres noong panahon ng kainitan ng kanyang career.

Naalala nga namin, kasi noong isang araw ay pista rin ng Sto.Niño. Iyang si Vina Morales ay na-discover ng isang pari, at nanalo siya sa isang singing contest sa Cebu. In fact, composition ng paring si Fr. Fritz Malinao ang kanyang kinanta at ipinanalo noon. Meaning, noon pa man ay malapit na ang kanilang pamilya sa simbahan. Kung iisipin ninyo, pitong taon lang si Vina noong panahong iyon. Kaya nga hindi kami nagtaka noong sabihing iniaasa niya ang magiging takbo ng kanyang career ngayon sa Diyos at sa tulong ni Santo Padre Pio.

Mga Pinoy pinaalalahanan ni Pope Francis na ‘wag magpakagarbo

Hanggang ngayon ay masasabing sobra ang religious fervor ng mga Pinoy dahil sa naging pagdalaw sa ating bansa ni Pope Francis. Bagama’t may ilang celebrities, may mga artistang nagsabi na tutol sila sa pagdalaw ni Pope Francis sa ating bansa, dahil sila nga ay kabilang sa grupong “born again”, hindi naman natin maikakaila na ang higit na nakararami ng ating mga kababayan ay hindi matanggap ang mga sinasabi nila kaya sila naba-bash sa social media na ginagamit din nila para batikusin ang Santo Papa.

Anyway, ang isang nakatawag ng aming pansin ay ang sinabi ng Santo Papa sa Tacloban tungkol sa simpleng pamumuhay at pag-iwas sa sobrang karangyaan. Kaya nga natatawa rin kami nang mabuksan namin ang TV at ang nakita namin ay iyong kasal ng dalawang artista na dinaluhan pa ng walong obispong Katoliko yata. Nakakatawa dahil taliwas na taliwas ito sa sinasabi ni Pope Francis. Mabilis naming inilipat ang istasyon ng telebisyon doon sa dzMM Teleradyo kung saan may tuluy-tuloy na coverage sa pagdalaw ng Santo Papa.

Ang sinasabi nga namin, sana hindi lang sa panahon ng pagdalaw ng Santo Papa natin maalala ang mga tamang pangaral. Sana magsimula na iyan ng pagbabago sa ating buhay. Nagtatawanan nga kami eh, bakit kailangan ang walong obispo ganoong isang pari lang naman ang kailangang sumaksi sa isang kasal? Iyong kasal ay isinasagawa ng mag-asawa at ang pari ay tumatayo lamang saksi para sa simbahan at nagpapatunay na talagang nagkaroon nga ng kasunduan ang mag-asawa.

Show comments