For the first time sa loob ng maraming taon, ngayon lang namin napanood ang Walang Tulugan with the Master Showman na wala ang master showman na si Kuya Germs. Alam naman natin na nagkaroon ng mild stroke si Kuya Germs at hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin at nagpapahinga.
Pero iba pala iyong Walang Tulugan nang wala si Kuya Germs, nakakaantok. Nakatulugan nga namin eh. Nagising kami kasi may lindol, pero wala nang palabas sa TV.
Iba pa rin kasi iyong klase ng comedy ni Kuya Germs sa kanyang show. Nagho-host siya pero sinisingitan niya iyon ng comedy kaya hindi ka aantukin. Eh ang nangyari roon sa show, kahit na may nagpapatawa mukhang seryoso pa rin.
Siguro nga it will take some time bago mabalikan ni Kuya Germs ang Walang Tulugan, kasi kailangan pa siyang mag-therapy paglabas niya ng ospital. Hindi pa siya puwedeng magpuyat, kaya siguro nga ihahanap naman siya ng ibang taping schedule. Hindi na rin puwede sa kanya iyong kagaya noong dati na tumatapos siya ng dalawang shows kahit na abutin sila ng alas-kuwatro ng madaling araw.
Nagpakilalang anak ni Eddie Gutierrez nakakatakot!
Nakakagulat ang kuwento ng sinasabing isang stalker na nagpanggap pang anak siya ni Eddie Gutierrez. Ilang araw daw iyong nagpilit pumasok sa bahay ng mga Gutierrez pero dahil isa ngang exclusive subdivision iyon, hindi siya makakapasok dahil hindi siya kilala ng mga tao sa bahay na pupuntahan niya. Pero matapos daw ang ilang araw, nakalusot iyon sa mga guard sa main gate, nakarating hanggang sa harapan ng bahay ng mga Gutierrez at naibato sa loob ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mga gamit.
Isipin mo iyong bigla na lang may dumating na ganoon sa bahay mo, natural matatakot ka rin. Una hindi mo alam kung matino nga ba ang pag-iisip ng taong iyon. Ikalawa magtataka ka kung bakit natukoy niya ang bahay mo sa loob ng malaking subdivision na iyon, eh ang daming bahay doon.
Most probably, iyang stalker na iyan ay matagal na ring nagmamasid o nakikibalita kung saan niya matatagpuan ang mga Gutierrez, at sino naman kaya ang nagbigay sa kanya ng ideya na iprisinta ang kanyang sarili bilang anak ni Eddie Gutierrez? Papaanong nangyari iyon?
Basta ang balita, naging mabilis naman ang security ng subdivision at ang barangay, at nahuli nila ang stalker. Ayon sa narinig namin sa radio, nai-turn over na nila ang stalker sa pulisya at posibleng makasuhan ng trespassing.
Kaya minsan hindi mo rin masisisi ang mga artista kung ayaw nilang tumanggap ng mga bisita sa kanilang bahay. Hindi mo masasabing ligtas ka kahit na nasa loob ka ng bahay mo. Hindi mo rin masasabing may taong basta mo mapagkakatiwalaan. Tingnan ninyo ang nangyari sa nanay ni Cherie Pie Picache. Maraming ganyan ngayon eh, at hindi mo nga malaman kung magnanakaw lang o baka may sira pa ang tuktok at maaari pang manakit o pumatay. Kailangan talaga maging maingat tayong lahat maski na sa loob ng ating tahanan. Kung iyang ganyang isang exclusive subdivision napasok pa ng isang stalker, papaano na iyong walang mga guwardiya?