Parang totoo ang nangyari Tragic Theater nakakakilabot ang trailer!
Bagama’t sinasabing batay iyon sa mga tunay na pangyayari, inamin naman ng writer na si GM Coronel na isang fiction ang kanyang nobela na isinalin sa pelikula ni Tikoy Aguiluz, iyong Tragic Theater. Tungkol iyon sa isang film center na diumano ay pinamumugaran ng masasamang espiritu, dahil sa mga manggagawang nalibing nang buhay noong mag-collapse ito habang ginagawa.
Ganyan din ang mga naririnig na kuwento tungkol sa Manila Film Center, na habang ginagawa noon ay nag-collapse ang scaffolding sa sixth level na ikinamatay ng ilang manggagawa. Nangyari iyan noong November 17, 1981, ganap na alas-tres ng madaling araw.
Bakit namin alam ang lahat ng iyan?
Noong panahong iyon ay reporter na kami. “Beat” namin, ibig sabihin, naka-assign kami sa lahat ng mga mangyayaring events diyan sa lugar na iyan. Kabilang na roon ang lahat ng malalaking events na ginanap sa buong complex, lalo na nga ang PICC. Sa natatandaan namin, ang “main man” sa construction noon niyang film center ay ang arkitektong si Froilan Hong.
Noong mangyari ang aksidenteng iyon, mabilis kaming tumakbo sa ginagawang film center. Natatandaan namin, naroroon kami agad. Hindi naman kami pinaalis. Nakita namin na isa-isang inaalis ang mga bangkay na nabagsakan ng scaffolding. Pito ang bilang namin.
Ilang taon na ang nakararaan, may ginawa ring documentary ang GMA-7 tungkol sa mga bagay na iyan. Nakuha nila ang pangalan ng construction workers na sinasabing namatay sa nasabing aksidente. Doon sa 169 sa kanilang listahan, na-locate pa nila ang lahat maliban sa 12. Sinabi rin nila na ang mga namatay ay nabigyan naman ng disenteng libing. Hindi na namin alam iyon. Hindi na namin nalaman noong 1981 kung saan sila inilibing. Pero ang kumalat ngang balita sa mga kuwentuhan noon ay marami raw ang namatay at may natabunan pa nang buhay sa quick dry cement. Iyon ang fiction. Iyon ang sinasabi ngang ‘urban legend.’
Inamin naman ng writer na si GM Coronel na familiar siya sa film center, dahil estudyante siya noong mga panahong iyon at nakapanood ng ilang pelikula sa film center. Pero ang kuwento daw niya ay batay sa kanyang research, kung saan ay hindi rin namin alam.
Maraming kuwento tungkol sa mga nagmumulto raw sa film center, pero nagsimula lang iyan noong maging abandoned building na iyan, matapos na masira ng malakas na lindol noong 1981. Ang basement ay pinasok ng tubig dagat, at hindi na ipinagawa. Naayos lang iyan noong upahan ng Amazing Philippines, isang Las Vegas type show na ang lumalabas ay mga bakla.
Ang tanong nga namin, kung talaga nga kayang may lumalabas na mga multo, tatagal kaya nang ganoon iyong mga bakla roon?
Pero magandang horror movie ang Tragic Theater. Inamin naman nila na iyan ay base sa isang fiction story. Walang dahilan para hingan sila ng documentary evidence sa ipinakita nila sa kanilang pelikula dahil hindi naman nila sinabing iyong Manila Film Center iyon. Hindi naman nila sinabing ang pelikula ay totoong kuwento. Sabi lang nila “based on a true story”. Ang kuwento ay umikot sa exorcism rites na ginawa ng isang pari na ginampanan ni John Estrada, at isang obispo na ginampanan naman ni Christopher de Leon.
Nakakatakot ang trailer ng pelikula. Kung sa trailer kinilabutan ka, lalo na sa pelikula. Tiyak na ang pelikulang iyan ay panonoorin ng mga mahihilig sa horror, at marami sila. Panonoorin din iyan ng mahihilig sa tsismis, at marami rin iyan.
- Latest