May dalawang bagay na gusto naming pansinin sa mga huling statement ni Kathryn Bernardo.
Una, inamin niyang nasasaktan siya sa sinasabi ng mga basher na hindi na siya dapat mag-ambisyon pang kumanta. Tapos nga may naglabas pa ng mga pictures ng resibo na nagpapatunay na kaya lamang nabili ang kanyang ginawang record ay dahil pinakyaw iyon ng kanyang fans mula mismo sa record company, hindi sila sa mga tindahan bumili.
Ikalawa, hindi man diretsahan, sinabi niyang hindi totoo ang naunang ikinalat ng isang “source” na nagsabing on na silang dalawa ng kanyang ka-love team na si Daniel Padilla.
Una, hindi na bago ang ganyang pakyawan ng mga CD. Noong araw pa ginagawa na nila iyan. Mayroon pa ngang isang star builder, ang alam namin ipinapapakyaw din sa driver niya ang lahat ng CD ng kanyang talent sa mga record bar ng lahat nang mapuntahan nilang mall, tapos nakatambak lang iyon sa bahay niya. Ang talagang gusto nilang mangyari ay maging gold record agad ang isang CD, dahil baka iyon ang maging dahilan para ang ibang tao ay makumbinsi na bilhin iyon. Kaya nga kung minsan may mga nakikita tayong “gold records” na natatabunan naman ng alikabok sa mga record bars. “Pinakyaw” ang mga CD niyan kaya naging gold.
Ano ang epekto niyan? Lalabas na gold ang CD dahil may maipapakita silang resibo na talagang nabili iyon, pero kung magtatanong ka sa record bar, malalaman mong matumal talaga ang benta. Gumagawa sila ng isang artificial demand.
Tungkol naman doon sa isa pang issue, iyong sinasabing “talagang on” na silang dalawa ni Daniel Padilla, palagay lang namin ang sinasabing “source” ng kuwentong iyon na sinasabi rin nilang “close sa dalawa” at walang masamang intensiyon. Gusto lang niyang lalong mapainit ang love team, at kung mangyayari iyon ay mas makikinabang actually si Kathryn, dahil sa totoo lang ang nagdadala naman sa team up nila ay ang popularidad ni Danielna isang bagay na hindi natin maide-deny.
Angelina Jolie pinagtakhan kung bakit nagkabulutong!
“Binubulutong din pala si Angelina Jolie. Tao rin pala siya,” iyon ang natatawang comment ni Susan Enriquez doon sa Unang Hirit noong isang araw, matapos na ibalitang ang asawang si Brad Pitt ang pumalit kay Angelina sa red carpet premier ng isa niyang pelikula dahil siya ay may bulutong.
Oo naman, tao rin ang mga artista. Maaari rin silang magkasakit at masaktan. Maaari rin silang matuwa o magalit. Maaari silang tumawa at umiyak.
Minsan kasi iyan ang nakakalimutan natin eh. Ang sinasabi lang natin ay kung ano ang dapat na maging attitude o ginagawa ng isang artista. Hindi natin naiisip na mga tao rin silang may sariling opinion at damdamin. Kaya kung may nagkakasakit na ganyan, ok lang iyon eh, kasi nababalik sa isipan natin na ang mga artista ay tao rin.
Kagaya rin noong magkasakit at yumao si Mang Dolphy, binantayan iyon ng media at sinasabi nga ng mga tao noon, bakit nagkasakit nang ganoon ang isang taong kagaya ni Mang Dolphy na kayang-kaya namang tustusan ang kanyang pagpapagamot? O bakit ang isang taong pagkalakas-lakas ang katawan na kagaya ni FPJ (Fernando Poe, Jr.) na kayang bigyan ng sunud-sunod na suntok ang mga nakakalaban niya sa pelikula ay inatake na lang at namatay?
Isa nga lang ang sagot sa lahat nang iyan eh, tao lang din ang mga artistang hinahangaan natin.