MANILA, Philippines - Eksaktong 12 araw bago ang Pasko, makisaya at makikanta sa maagang pamaskong handog mula sa GMA tampok ang isang kuwento ng pag-ibig, pagpapatawad, at pamilya sa two-part Christmas musical-drama special na Himig ng Pasko.
Mapapanood ngayong Disyembre 13 at 20, kaabang-abang sa Himig ng Pasko ang mga musical number mula sa mga magagaling na mang-aawit sa bansa sa pangunguna ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid kasama sina Ariel Rivera at Julie Anne San Jose. Kasali rin sa nasabing special sina Rachel Alejandro, Rita de Guzman, Jeric Gonzales, Gerald Santos, at Joey Paras.
Siguradong mapapakanta ang mga manonood sa mga Christmas song na tulad ng Kumukutikutitap, Noche Buena, Himig ng Pasko, Simbang Gabi, Christmas Bonus, Jingle Bells, Sana Ngayong Pasko, Pasko na Sinta Ko,” at ang orihinal na komposisyon na Hiling na kinanta ni Regine.
Tampok sa Himig ng Pasko ang kuwento ni Belen (Regine), isang OFW na bumalik sa bansa pagkatapos magtrabaho bilang singer ng sampung taon sa abroad. May tatlong hiling si Belen sa kanyang pag-uwi – ang mapalapit sa anak na si Christiana (Julie Anne), ang buhayin at palaguin ang negosyo ng pamilya na paggawa ng parol, at ang muling maging masaya sa piling ng kanyang high school sweetheart na si Joseph (Ariel).
Alamin kung paanong napaghihilom ng musika ang mga sugat ng puso at kung paano nito kayang mapagbuklod muli ang isang pamilya ngayong Pasko sa musical drama special na Himig ng Pasko ngayong Sabado, Disyembre 13, 8:30 p.m. sa GMA-7.