GMA inilalarawan ang panahon ng pagbibigayan sa Christmas Short Films

MANILA, Philippines – Muling tumatapik ang GMA Network sa bawat Kapuso ngayong panahon ng Kapaskuhan sa paglulunsad ng panibagong koleksiyon ng GMA Christmas Short Films.

Sa ika-9 na taon ng film festival, pinagpapatuloy ng GMA ang tradisyong pagbuklurin ang mga Pilipino sa pamamagitan ng mga kuwentong nakatuon sa tunay na diwa ng Pasko.

Tampok sa mga kuwento ng inspirasyon at pag-asa ang ilan sa mga Kapuso stars tulad nina Benjamin Alves, Bettinna Carlos, Kevin Santos, Joshen Bernardo at Miguel Tanfelix. Bahagi rin ng kuwento ang pampasaherong jeepney at ang mga relasyong nakapalibot dito na sumisimbulo ng kulturang Pinoy.

Handog ng GMA kasama ang Yakult, ipapakita sa pelikulang Regalo na mayroong magandang ibubunga sa ating kapwa ang anumang paraan ng pagpapakita ng kabutihan. Kasama si Miguel Tanfelix, tunghayan kung paano sinuklian ng isang pamayanan ang kabutihan ng isang Yakult vendor na si Nay Lorna.

Ibinabahagi naman sa pelikulang Happiest Pinoy ang kuwento ng buhay nina Rommel Arellano at Winston Maxino. Sa pakikipag-isa ng Cebuana Lhuillier, ang istoryang ito ay magsisilbing halimbawa na sa kabila ng sakit at karamdaman, maaari pa ring lampasan ang mga pagsubok sa buhay.

Sa pelikulang Santa, katuwang ng GMA ang Ladies Choice sa isang istoryang pinagbibidahan nina Kapuso artists Bettinna Carlos at Kevin Santos. Sinasalaysay nito ang isang nakakatuwang kuwento tungkol sa isang batang lalaki na naglalayong malaman ang katotohanan tungkol kay Santa. Ngunit, ang matutuklasan niya sa huli ay mas mahalaga pa kaysa sa una niyang gustong imbestigahan.

Sa Sorpresa, nakipag-isa sa KFC ang GMA sa paghahatid ng kuwento tungkol sa isang doktor na iniwan ang kanyang kinagisnang buhay upang makatulong sa mga pasyenteng kapus-palad. Habang malayo sa sariling pamilya, makakahanap si Doc Louie ng tahanan sa katauhan ng isang pasyente at ang kaniyang pamilya na magbibigay sa kanya ng sorpresa sa bisperas ng Pasko. Abangan si Kapuso hunk Benjamin Alves sa pagganap niya bilang Doc Louie.

Sa pamamagitan ng maiiksing kuwentong ito, hinihikayat ng GMA ang mga manonood na ibahagi ang pagmamahal ngayong kapaskuhan. Sa pama­ma­gitan ng social media, maaari nang maglagay ang mga manonood ng personal na mensahe sa kanilang mga paboritong short films at ibahagi ito sa social media account para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Maaring makibahagi sa kasiyahan ngayong kapaskuhan ang mga manonood sa pamamagitan ng pagbisita sa website, www.gmanetwork.com/GMAShortFilms. Para sa mga updates, i-like ang Facebook page, www.facebook.com/GMAShortFilms.

Show comments