Kesa samahan si Marian sa mga bridal shower: Dingdong mas inuna ang pagkakalat ng balita tungkol sa bagyo

MANILA, Philippines - Ika-anim na bridal shower ni Marian Rivera ang ibinigay ng Belo Medical Group last Friday kung saan ang entertainment press ang nakasama niya. Dahil sa nalalapit na kasal kay Dingdong Dantes, ang Royal Bride ang nagsilbing modelo ng Belo Bridal Collection upang maging worry-free siya bago ikasal.

Ang Belo Bridal Collection ay naglalaman ng iba’t ibang treatments, procedures, and services para sa ikakasal. Eh dahil nga sa pagiging abala, nagkaroon ng pimple si Marian at sa pamamagitan ng Belo, agad-agad itong nawala, huh!

Ayon kay YanYan bago simulan ang games at sagutin ang questions ng press, sa Belo lang niya ipinagkatiwala ang kagandahan na kailangan bilang bahagi ng preparasyon ng kasal.

Kahit super busy sa preparasyon, nagagawa pa ring kumain ng marami ni Marian. May taba pa nga raw sa katawan niya ngayon kaya sa tulong ng Belo ay mababawasan pa ito.

“Hindi naman kasi ako nai-stress! Marami naman kasing solusyon eh. Kunwari, ‘pag puyat ako sa rami ng ginagawa, nandiyan naman sila sa Belo. Nagka-pimple nga ako, so pumunta ako sa kanila para sa treatment!

“Lahat naman may solusyon kaya ini-enjoy ko ang lahat ng moment bago ako ikasal,” pahayag ni Marian sa one-on-one sa press.

Wala si Dong sa bridal shower niyang ‘yon dahil nasa Cebu ang groom niya para magbigay ng impormasyon sa mga tao sa pagdating ng bagyong Ruby.

“Sabi ko nga sa kanya…Lalo akong humahanga sa kanya kasi instead na nandito siya at nagpi-prepare ng kasal namin, nandoon siya sa Cebu talaga para abisuhan ang mga kababayan natin upang mag-ingat. At least kahit paano, ‘yung nangyari nu’ng Yolanda ay maiwasan nila,” paliwanag ng Primetime Queen ng GMA.

“Kahit mag-asawa na kami, basta alam namin ang aming priorities, gagawin pa rin naman ang tumulong. Passion din kasi niya ang tumulong,” sagot niya.

Kahit tutok sa kasalan, normal pa rin ang selebrasyon nila ng Pasko. Nasa bahay siya ni Dong sa December 24 at sa Araw ng Pasko ay nasa Cavite sila.

“Hindi namin puwedeng kalimutan ang Pasko. Isa ‘yun sa sine-celebrate namin. Hindi puwedeng mawala ‘yun!” saad ng aktres.

Sa New Year naman daw ay kasama niya ang Papa niya na galing sa Spain. Uuwi kasi ang ama niya kaya siya ang makakasama nito. So hindi sila magpapaputok sa New Year?

“Bawal ang paputok! Torotot na lang! Ha! Ha! Ha!” diin ni Yan.

Sagot niya sa tanong ng press sa pagkakaroon ng anak, gusto niya ay agad-agad nang mangyari ‘yun.

“Kahit ano, basta healthy ang bata. Blessing ang anak na mula sa Panginoon,” sagot niya.

Hindi naman daw siya diretsang magla-lie low sa career after ng kasal. Pagdating kasi sa dance musical na Marian, basta puwede na siyang magsayaw uli ay tuloy ang season 3 ng programa.

“After nga nito, pupunta ako sa GMA. Ilalatag nila sa akin ang soap na ibibigay nila sa akin next year,” sey ni Marian.

Pero depende pa ‘yung drama series kung agad siyang mabubuntis.

Gaya ng ibang pamahiin, hindi isusukat ni Ma­rian ang gown niya na gawa ni Michael Cinco kapag dinala na ito ng kilalang designer. Pero meron siyang tinatawag na something old, something new, at something borrowed.

Nabanggit niya ‘yung something old. Baka raw old panty ang gamitin niya. Hindi ba edible panty ang gagamitin niya?

“Sa honeymoon ‘yon! Eeeeeeeee!” tili niya.

Aba, edible brief din dapat si Dong?

“Puwede! Eeeeee!” hiyaw ni YanYan.

“Hoy, ano ba? Wholesome lang tayo! Ha! Ha! Ha!

“Bakit? Magiging asawa ko na naman siya, ah! Ayyyy!” rason ni Marian.

Muling pinagdiinan ni Marian na ang ta­nging gastos niya sa kasal ay ang sapatos na isusuot. At pagda­ting sa kulay ng gown, nanatili uli siyang tikom at sa December 30 na lang daw malalaman ‘yun ng publiko!

Show comments