Sobrang napikon ang isang male TV host nang ikorek siya ng isang kasama niya habang naghu-host sila ng isang live event kamakailan.
Wala naman daw masama sa pagkorek sa male TV host, pero binigyan niya ng masamang kahulugan ito. Feeling ni male TV host ay ipinahiya siya sa harap ng maraming tao.
May isa kasing ini-interview ang dalawa at may nabanggit ang co-host nito na isang particular phrase na hindi naintindihan ni male TV host.
Akala nito ay nagdyu-joke ang kanyang kasama kaya humirit si male TV host na ayusin nito ang kanyang pakikipag-usap sa kanilang guest.
In-explain ng co-host nito ang ibig sabihin ng kanyang sinabi at naintindihan naman daw iyon ng kanilang guest. ‘Yun pala ay si male TV host lang ang hindi nakaintindi.
Doon na raw uminit ang ulo ni male TV host dahil pakiramdam niya ay ipinahiya siya ng kasama niya sa publiko.
Naging awkward na ang pakikitungo niya sa kanyang kasama simula noon.
Pinagtataka naman ng co-host kung bakit ito magagalit, eh hindi naman nito kasalanan kung hindi niya na-gets ang pinag-uusapan nila ng kanilang guest.
“Hindi kasi matanggap ng male TV host na ‘yan na mas maraming alam ang kasama niya.
“Kasi naman ang tagal-tagal na ni male TV host pero pare-pareho ang style niya. Hindi niya binabago kaya noong may makasama siyang mas maraming alam sa kanya, nai-insecure siya,” sey pa ng source namin.
Dahil nga sa nangyaring iyon, ayaw nang makasama ni male TV host ang taong ito. Kahit na maganda sana ang chemistry nila, ayaw na niya itong makasama dahil lumalabas lang lalo ang kanyang insecurity na itinatago niya sa pagiging masungit niya.
Miss Philippines second runner-up sa Miss Intercontinental
Hindi naman umuwing luhaan ang ating Miss Philippines sa Miss Intercontinental Beauty Pageant na si Kris Tiffany Janson dahil nakuha nito ang pagiging 2nd runner-up.
Ginanap ang naturang pageant sa Madgeburg, Germany.
Ang nanalo ng korona bilang Miss Intercontinental ay si Miss Thailand Patraporn Wang. First runner-up naman si Miss Cuba Jeslie Margal.
Nakakuha rin ng special award si Janson bilang Miss Photogenic at naghati pa sila ni Miss Thailand sa award na Continental Queen na Miss Asia and Oceania.
Higit na 72 candidates ang sumali sa Miss Intercontinental 2014 at masuwerte ang ating Miss Philippines dahil umabot siya hanggang sa kahulihan ng pageant at nagkaroon pa ng place.
Natuwa nga ang mga pageant aficionados dahil hindi naging ‘thank you girl’ si Janson.
Ang ibang candidates nga na nakasama sa Top 15 ay galing sa mga bansang Puerto Rico, Canada, Argentina, Ecuador, Brazil, Myanmar, Mauritius, South Africa, Nigeria, Poland, Turkey, England, at Portugal.
Ito ang first time na sumali ang Pilipinas sa Miss Intercontinental at masuwerte nga ang Cebuana na si Janson na siya ang naunang pinadala sa naturang pageant at may maiuuwi siyang mga awards.
Dating nagtatrabaho bilang financial analyst sa isang packaging company si Janson bago siya sumali sa Bb. Pilipinas.