“Sa lahat yata nang ginawa kong pelikula, dito lang ako hindi naghubad ng shirt,” ang natatawang sabi ng actor na si Derek Ramsay nang matanong siya tungkol sa pelikula niyang English Only Please.
In the past, basta pelikula ni Derek, talagang expected na magpapa-sexy siya. Sabihin na natin na ang isa sa mga dahilan kung bakit sumikat siya nang ganyan ay dahil kinikilala nga siyang one of the sexiest actors, at saka ang mga pelikula naman kasing ginagawa niya ay mga matured movies na. Doon siya nag-click eh. Doon siya nakilala. Aminin naman natin na may panahong ang mga pelikula niya ang pinaka-malalaking hits ay dahil sa formula na iyon.
Iyan namang English Only, Please ay isang romcom, ibig sabihin iyan ay isang experimental formula para kay Derek. Pinagawa siya ngayon ng isang cute na love story. Kakaiba iyan sa mga nagawa na niya in the past. Sinasabi nga nilang ganoon din naman daw ang kanyang leading lady na si Jennylyn Mercado, na in the past ang ginawa ay puro drama. Ngayon nasubukan siya sa isang romantic comedy at nakapasa naman ang acting niya.
Inamin din naman ni Derek, may dalawa silang kissing scene ni Jennylyn sa pelikula, at nahirapan siya. Napakarami na niyang nagawang kissing scene sa kanyang mga pelikula, pero malaki nga raw ang kaibahan. Kasi sa ibang mga pelikula niya, puro passionate kissing ang kanyang ginagawa, kasi nga para sa mga matured audience iyon. Ngayon, kailangan medyo cute ang dating ng kanilang kissing scene ni Jennylyn at malaki nga naman ang kaibahan noon.
Pero malaking bagay para sa career ni Derek iyang English Only, Please, dahil ang sigurado mas mapapalawak niyan ang kanyang market at tiyak na makukuha niya ang younger generation na dati ay medyo iwas sa kanyang adult themed movies.
Sarah, Bamboo, Rico, Noel at marami pang iba hahataw sa Fusion 2015
Magsasama-sama ang pinaka malalaking music artists sa Fusion 2015. Iyan ang kauna-unahang music festival sa Pilipinas. Kasali diyan sina Sarah Geronimo, Bamboo, Rico Blanco, Noel Cabangon, Joey Ayala, Gloc 9, Barbie Almabis, at marami pang iba. Kasali rin ang mga bandang The Dawn, Parokya ni Edgar, Kamikazee, Wolfgang, Sandwich, at 6 Cycled Mind.
Lahat sila ay magpe-perform sa kauna-unahang Philippine Music Festival na iyan na gaganapin sa MOA Concert Grounds sa Enero 30, 2015.
May mga ganyang music festival din sa US, Japan at iba pang mga bansang kilala sa kanilang musika, at inaasahan nilang iyang Fusion 2015 ang magsisimula para mas matawag ang pansin hindi lamang ng mga Pilipino kung ‘di ng mga dayuhan din sa ating musika.
Kung iisipin ninyo, magaling ang musikang Pilipino. Magagaling din naman ang mga singer at mga musikerong Pilipino. Nagwawagi na tayo sa mga international music competitions at kinikilala na ang marami nating artists sa abroad, pero ang kulang nga ay pantawag-pansin ng mundo sa ating musika, na maaari naman talagang ikumpara kung hindi man masasabing ilaban sa pinakamahuhusay sa buong mundo. Iyan ang gustong magawa niyang Fusion 2015, at maipakita sa lahat ang pinakamahuhusay sa musika sa ating bansa.
Hindi lang pang local ito. Pang-international iyan.