Ate Vi napagod na sa pulitika!

Nag-launching si Governor Vilma Santos ng kanilang proyektong Ala Eh! Festival. Actually pitong taon na nila i­yang ginagawa, at ang pagdiriwang ay umi­ikot sa iba’t ibang bayan ng Batangas dahil gusto nga nilang ipakita na ang bawat bayan ay maaaring makaakit ng mga turista. Lalo na nga iyong mga mahihilig sa history, kasi iyang lalawigan ng Batangas ay mayaman sa kasaysayan dahil mara­ming mga bayani ang nagmula sa kanilang lalawigan. Bukod doon, maraming historical sites na dinarayo sa Batangas.

Sa taong ito ay gagawin ang Ala Eh! Festival sa makasaysayang bayan ng Taal. Ang Taal ang masasabi ngang pinagmulan ng lalawigan ng Ba­tangas. Nagsimula kasi ang pamayan sa lugar ng Bom­bon na nasa paligid ng isang body of water na kilala ngayon bilang Taal lake. Kaya nga tinawag ang bayan na Taal, sa Tagalog kasi ang ibig sabihin niyan ay iyong kinamulatan, iyong totoong pinagmulan.

This time, mas masigla nga iyang Ala Eh! Festival dahil sumali sa kanilang paghahanda ang matriarch ng Regal Films na si Mother Lily. Mayroon kasi siyang binuksang resort sa Taal at idineklara siyang adopted citizen of Taal ni Gov. Vi. Kaya ang biruan nga eh, magpapa-rehistro na raw si Mother para doon na rin siya sa Taal bumoto.

For the first time, ang lahat daw ng activities ng Ala Eh! Festival na magsisimula sa December 1 hanggang December 8, ay gagawin sa harapan ng Basilica ng Taal. Ang talagang patron ng basilica ay si St. Martin of Tours, na kung pakikinggan ninyo ang kuwento ng mga lehitimong taga-Taal, ay marami nang ginawang mi­­lagro para sa kanila. Pero ang mas di­narayo sa nasabing simbahan ay ang Nuestra Señora de Caysasay, na milagrosa rin at sinasabing nakakapagpatigil ng pagsabog ng bulkan sa Taal.

Ang Basilica sa Taal ang sinasabi ring siyang pi­na­kamalaking simbahan sa buong Asya. At na­na­natili siya sa parehong kinalalagyan simula pa noong panahon ng mga Kastila. Ipinagmamalaki nga ni Ate Vi na ang Batangas ay 433 years na rin bilang isang lalawigan.

Kasama ang Ala Eh! Festival sa pinalalakas ni Gov. Vi na pitong taon na ring humahakot ng mga turista mula sa kung saan-saan pati na sa abroad, ay batay sa pag­kakatatag sa Batangas bilang isang lalawigan. Noong araw bayan-bayan ang pagdiriwang, pero sabi nga ni Ate Vi noong maging governor siya, bakit walang foundation day ang Batangas mismo.

Nagpa-research talaga siya, dahil sabi nga niya nakakahiya rin naman na sa Batangas nagmula ang isa sa pinagkakatiwalaang historian sa bansa, si Teodoro Agoncillo, pero hindi nila alam kung kailan ipagdiriwang ang foundation day ng lalawigan at kung ilang taon na nga ba ang Batangas. At noon lang din nalaman ng maraming Batangueño ang nasabing kasaysayan ng kanilang bahay.

Sabi nga ni Ate Vi, ang mahalaga lang sa kanya ay masabi ng kanyang mga kababayan na ginawa niya ang responsibilidad niya. Maliwanag na sinabi niya na medyo pagod na siya, at gusto na niyang mag-retire sa public service matapos ang 18 taon. Gusto naman niyang gumawa ng pelikula. Gusto niyang umarte ulit. Gusto niyang mag-produce ulit.

Tingnan natin kung papayagan siyang pakawalan ng kanyang mga kababayan.

Show comments