Kathryn walang ‘kredibilidad’ na kantahin ang Mr. DJ ni Mega?!
Kung kami ang tatanungin talaga, hindi namin ipakakanta kay Kathryn Bernardo ang Mr. DJ. Siyempre may gimmick iyon para mapansin, sinasabi nilang kinanta niya iyon para kay “DJ” (palayaw ni Daniel Padilla). Originally, ang idea ay isang request para sa isang disc jockey na patugtugin ang isang love song ng isang young girl na gusto niyang i-dedicate sa dati niyang love. Iyon kasi ang uso noong panahong sumikat ang kantang ‘yan.
Ang kantang ‘yan ay pinasikat o masasabi ba nating nagpasikat kay Sharon Cuneta na noong teenager pa siya. Naging napakalaking hit ang kantang iyan noon at masyadong naging identified kay Sharon. Kaya nga wala nang nagtangkang i-revive ang nasabing kanta. Una, hindi na nga uso sa radio ngayon ang mga dedication programs. Ang uso ngayon, inilaladlad na ng mga tao ang kanilang love story sa radio sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, kahit na kung minsan ay nagmumukha silang tanga.
Mahirap ang mag-revive ng isang kanta na napasikat nang husto ng ibang singer, lalo na nga at ang original na kumanta noon ay nariyan pa at sikat pa rin. Talagang lakasan na lang ng loob kung maaagaw nila sa original ang kredito kung kumita man ang kanta. Kasi kung revival lang ng ganyang kanta, kantahin man niya sa mga concert iyan, at gimikan man niya na para kay Daniel Padilla iyan, lalabas na kinakanta pa rin niya ang kanta ni Sharon.
Tingnan na lang ninyo halimbawa, may naglakas loob bang kumanta noong A Million Thanks To You na pinasikat ni Pilita Corrales hanggang ngayon? Masyado ‘yun identified kay Pilita at basta kantahin iyan ng kahit na sino, ang papasok sa isipan ng mga tao ay “kinakanta niya ang kanta ni Pilita”.
Hindi ka makakakuha ng kredibilidad sa revival ng mga ganyang klase ng kanta. Tingnan ninyo kahit na sa U.S., nakanta na lahat halos ni Michael Bubble ang mga kanta ni Frank Sinatra, pero kung naririnig ng mga old timers ang mga kantang iyon, na siya lang namang mahilig sa mga ganoong kanta, ang naaalala nila ay si Sinatra. Darating ang araw na burado na sa isipan ng mga tao si Bubble, pero maaalala pa rin si Sinatra.
Mike Enriquez idinenay na tumutulong Willie parang kawawang ipinakikiusap ni Joey de Leon na magka-show sa GMA
Nakalulungkot naman iyong announcement na kailangang mag-padrino si Joey de Leon para sa kanyang kumpareng si Willie Revillame upang maibalik ang game show noon sa GMA 7. Sinabi pa ni Joey na maaaring tumulong din si Mike Enriquez para ipakiusap sa GMA na kunin si Willie, na itinanggi naman agad ng newscaster dahil sinabi niyang may “programs committee” ang GMA at hindi naman siya kasali roon.
Nakalulungkot dahil may panahon, at hindi naman maikakaila iyon, na si Willie ay isa sa pinakamalaking TV star. Nagkaroon siya ng problema sa ABS-CBN, lumipat ng TV5, gumawa siya ng panibagong demands noong matapos ang kanyang contract, hindi nag-call ang TV5. Naging jobless siya nang matagal. Ngayon nasasabing “ipapakiusap” para makabalik siya sa telebisyon? Lalabas na kawawa namang masyado si Willie. Isipin mo iyong sinasabing kailangan pa siyang ipakiusap ngayon para magkaroon ng TV show. Aywan ha, pero kung sa amin lang, sana naman hindi ganoon.
Maski papaano naman may kabuhayan na si Willie. May mga negosyo naman siyang tumatakbo. Siguro darating din ang isang araw na may makakaisip na kunin siya ulit. Hindi naman dapat na ipakiusap pa siya.
- Latest