May mga empleyado ang GMA 7 na nagharap na ng sumbong laban sa kanilang network dahil sa sinasabi nilang “unfair labor practice.” Bunga iyan ng pagiging legal ng contractualization na nagsimula noon pang panahon ni dating Presidente Cory. Noong Marcos years, sinasabi sa labor code na basta ang isang manggagawa ay nagtrabaho ng anim na buwan, tuluy-tuloy para sa isang kumpanya, automatic na iyon na regular employee siya, Ibig sabihin dapat makuha niya ang lahat ng benepisyo.
Pero sa ilalim nga ng bagong batas, pinayagan iyang contractualization. Ang nagiging obligasyon lang ng kumpanya ay bayaran ang isang tao para sa serbisyo niya. Wala ibang obligasyon sa kanya ang kumpanyang kanyang pinapasukan. Hindi lang naman sa GMA 7 nangyayari iyan. Ganyan din naman sa ilan pang networks. Ang trato sa mga manggagawa ay kagaya rin sa mga artista. Binabayaran lang sila para sa serbisyo nila. Walang ibang benepisyong karaniwang natatanggap ng mga manggagawa.
Masakit pakinggan, pero iyan ay isang katotohanang umiiral, at lumalabas na legal. Kawawa ang ganyang mga manggagawa pero siguro nga wala silang ibang choice kung ‘di maghanap ng ibang trabaho na kung saan sila makakakuha ng mga tamang benepisyo. Kung hindi, humanda na sila pagdating ng araw na matanda na siya at hindi na makapagtrabaho ay magkaroon sila ng hindi magandang buhay. Hindi ba kahit na mga artista minsan, nagiging miserable ang buhay?
Sharon pinagsisisihang hindi nakinig sa ina
Ngayon naisip ng Megastar na si Sharon Cuneta na sana nga pala sinunod niya ang lahat nang sinasabi sa kanya ang yumaong ina. Iniisa-isa na ngayon si Sharon ang mga sinasabi ni Mommy Elaine sa kanya noong araw. Lagi raw sinasabi noon na tumataba na siya, pero hindi nga niya napansin dahil masarap kumain at saka at that time ang nasa isip nga siguro niya hindi pa naman niya kailangang magpapayat at mabilis naman niyang magagawa iyon kung kailangan na.
Madalas daw siyang sinasabihan ni Mommy Elaine na huwag lalabas ng bahay na hindi naka-ayos, hindi naka-make-up dahil artista siya. Eh si Sharon naman mas madalas gusto iyong simple lang, talagang lumalabas iyan nang simple lang ang damit at walang make-up kung hindi naman kailangan.
Sabihin nating ang sinasabi sa kanya ni Mommy Elaine ay “old school thinking”, pero iyon ang tama. Hindi dapat nagpapabaya ang mga artista. Hindi lamang iyon para sa kanilang sarili kung ‘di dahil kailangan nilang gawin iyon para sa publiko.
Natatandaan din namin ang kuwento ng mga matatanda nang artista, basta raw may artistang wala sa ayos, kinagagalitan iyon ni Dr. Jose Perez ng Sampaguita Pictures, at kung hindi pa makikinig ay pinagmumulta pa. Kasi nga ang paniwala nila noon, ang isang artista ay kailangang laging nasa porma. Artista sila eh, at sa palagay namin tama iyon.
Tingnan ninyo ang mga professional singers noong araw, basta may concert ang mga iyan talagang todo-porma. Ngayon lang kami nakakakita ng mga singer na kung mag-concert nakasuot lang ng sando. Eh iyang sando, underwear iyan. Ibig sabihin isinusuot lang pang-ilalim ng damit talaga.
Minsan talaga, may mga bagay na sinasabi sa atin na ang palagay natin sa una ay masyado nang makaluma, o naiwan na ng panahon. Pero pagdating ng araw at saka natin makikita iyon pala ang tama.