Direk Louie aktibo sa mga gawaing simbahan

Nagkita kami ni Direk Louie Ignacio sa isang restaurant sa Intramuros kasama ang Rotarian president na si Architect Ayett Garcia at Jess na punong abala sa pagdiriwang na gagawin ng Movie Writers Welfare Foundation sa Nobyembre 29, 2014.

Kaibigang malapit pala ng may-ari ng restoran si Direk Louie na very religious at aktibo sa Eucharistic Congress of the Philippines. Natikman namin ang pasta-tuyo na ipinangalan kay Direk Louie.

Naitanong namin sa director kung totoo ba ang nasulat sa ibang tabloid na may tampuhan sila ni Marian Rivera kaya siya umalis sa dance show nito bilang director at sinabing hindi siya dadalo sa kasal ng aktres.

Hindi totoo na may hidwaan kaming dalawa. Masaya kaming nagpapaalaman dahil may ididirek akong religious show. Nagtataka nga ako kung saan nangga­ling ang mga balitang iyan. Wala kaming hidwaan ni Marian at hanggang ngayon regular pa rin ang aming komunikasyon,’’ sabi ni Direk Louie.

Miguel-ruru, inihahanda na sa pelikula

Guests sina Miguel Tanfelix at Ruru Madrid sa Magpakailanman kung saan gagampanan ang karakter nina Cedric Macdon at Joven Santos sa episode na Kalakal Boys.

Parehong ampon sina Cedric at Joven pero nakahanap ng tunay na pagmamahal sa piling ni Leonida ‘‘Manay’’ Macdon. Inakala ng dalawa na tunay nilang ina si Manay hanggang sa malaman nila ang totoo.

Sa pagbabalik ng kani-kanilang mga ina, maliligaw ng landas ang magkapatid na ampon. Magagawa pa bang mabuo ang isang pamilyang nawasak dahil sa katotohanang hindi matanggap?

Tinanong namin si Manay Celia Rodriguez kung paano ba makatrabaho sina Ruru at Miguel?

Sabi ni Manay Celia: ‘‘Parehong magaling na artista sina Ruru at Miguel at maasahan sa dramatic scenes. Damang-dama ng dalawa ang karakter na ginampanan. Madali silang i-motivate ng director. Very professional silang dalawa at masarap katrabaho.’’

Sinasanay na sina Miguel at Ruru sa tamang pag-arte ni Direk Mario J. delos Reyes na kanilang manager dahil isasabak na sila sa pelikula.

Mapapanood ang dalawa sa Magpakailanman ngayong Sabado after Marian.

 

Show comments