Ate Guy nag-share ng biyaya sa mga naperwisyo ng Yolanda

MANILA, Philippines -  Sa tindi ng perwisyong idinulot ng mala-delubyong bagyong Yolanda, malaking bagay ang pagpayag ng Superstar na si Nora Aunor na gumanap sa pelikulang Yolanda.

Binago na ang title, naging Taklob na, na idinirek ni Brilliante Mendoza. Sambayang Pilipino kasi ang makakasaksi at maging buong mundo kapag naipalabas na ang Taklob. Mapapanood nila kung gaano kahirap ang inabot ng mga Pilipino sa Kabisayaan na tinamaan ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan. Pinuntahan talaga ni Guy ang pinangyarihan ng insidente. Anim na libo ang mga namatay sa bagyo. Maraming kabahayan at kabuhayan ang sinamang palad na sinira nito.

Pumunta si Guy sa Tacloban kaya mas naging makatotohanan ang pelikula. Sayang nga lang, kung isang malaking produksyon ang gumawa ng pelikula, tiyak lalong maraming makakapanood nito at lalong mapapaganda.

Sa ilang araw na itinigil niya sa pagsu-shooting doon, hindi nakaligtaang magbigay biyaya ni Ate Guy sa ilang biktima. Share your blessings, sabi nga dahil sa sunud-sunod kasing project niya ngayon kaya’t hindi naging maramot magbigay ng biyaya sa kapwa si Ate Guy. 

Jasmine hindi pangdekorasyon ang akting

Revelation ang akting ni Jasmine Curtis sa Dementia at hindi lang pala siya isang dekorasyon sa movie sa direksyon ni Percival Intalan.

Sa totoo lang, mahirap umarteng sinasapian ng bad spirits. Super hanga si Jeric Gonzales na kasama ni Jasmine sa nabanggit na movie.

StarStruck dapat maging patas sa pagpili ng mga contestant

Kung saan-saang lugar tumutuklas ngayon ang GMA ng mga kabataang gustong magka-break sa pag-aartista para sa StarStruck. Nakarating na nga sila hanggang Ilo-Ilo, Cebu, at Negros at iba pang key cities ng Pilipinas.

Kung tutuusin, nasa mga probinsya ang talents na higit na karapat-dapat mag-artista at magbigyan ng pagkakataon. Sana lang totoong mga taga-probinsya ang bibigyan nila ng break, at walang palakasan lang katulad ng karaniwang nagaganap sa mga reality contest.

Pagbabalik ni Leni Santos pinanabikan

Maraming nanabik na mapanood muli ang pagbabalik ng TV star na si Leni Santos sa Yagit. Sikat siya dati noong ‘80s, pero nawala siyang bigla sa circulation. Nabalitaan naming nagkaroon pala ng pamilya at sa America na ito nanirahan. Nagbabalik si Leni, para sa pagbabalik din ng Yagit.

JM nadi-distract na naman kay Jessy?

Sana magtuluy-tuloy na ang masiglang comeback ng actor na si JM De Guzman sa teleseryeng Hawak Kamay. Halatang inspirado rin kasi siya. Tila hindi rin maikubli na mukhang magkakabalikan sila ni Jessy Mendiola.

Sana saka na lang muna sila uli magbalikan dahil nagsisimula pa lang uli si JM baka mapurnada na naman.  

 

Show comments