Bistek gustong magkasal ng mga bading

May simpatiya si Mayor Herbert Bautista sa mga bading dahil alam naman natin na laking showbiz siya at sinasabi nga nila na sa mundong ito, hindi man masasabing mayorya sa ngayon ang mga bading. Hindi rin na­man natin maikakaila na malaking bagay ang show business kung bakit naabot ni Mayor Bistek ang kanyang status sa pulitika ngayon. Bagama’t nagsikap naman siya at nagsimula sa pinakamababa bilang isang Kabataang Barangay chairman sa kanilang lugar noon.

Pero talagang nagulat kami nang hindi lamang niya pinirmahan ang isang ordinansa na naglalapat ng parusa sa discrimination sa mga bading, kundi sinabi pa niyang gusto niyang magkasal ng mga bading.

Sa ilalim ng batas, maaari talagang magkasal ang isang mayor, pero sa batas natin hindi pa pinapayagan ang kasalan ng mga ba­ding. Kaya nga iyong mga bading ditong may kaya, nagpupunta pa sa U.S. at nagpapakasal, ganoon pa man, parang stage show lang iyon dahil hindi naman kinikilala ng ating batas ang mga ganoong klase ng kasal. Maliwanag ang umiiral na batas, ang maaari lamang ikasal ay isang babae at isang lalaki.

May isang matanda noon na nagsasabing dati siyang paring Katoliko na umalis sa simbahan at sumama sa isang Iglesia na nagkakasal ng mga bading. At umaming bading din siya, pero hindi rin legal iyon. Matapos ang seremonya, walang papeles na legal iyon. Hindi naman ‘yun tatanggapin ng civil registrar kaya hindi rin talaga sila kasal. Wala silang conjugal properties. Hindi nga sila pinapayagang mag-ampon ng bata eh. Kaya sa ngayon, kalokohan iyang kasal ng mga bading.

Natatawa rin kami sa mga kuwentuhan noong isang gabi. Marami ang nagsasabing nagulat sila dahil ang isang taong nag-aral sa ilalim ng mga Benedictines kagaya ni Mayor Bistek ay gustong magkasal sa mga bading.

Cherry Pie masigasig na ibalik ang parusang bitay

Tapos na ang kaso ng pagpaslang sa nanay ng aktres na si Cherry Pie Picache nang lumabas ang iba pang suspects, at sinabing hindi totoo ang bintang ng unang suspect na si Michael Flo­res na kasabwat sila sa pagnanakaw at pamamaslang sa nanay ni Cherry Pie. Lumabas din pagkatapos ng mahabang imbestigas­yon ang katotohanan at sinabi ni Flores na mag-isa nga niyang ginawa ang pagnanakaw at pagpatay sa ina ni Cherry Pie gamit ang isang putol na kahoy at isang kutsilyo. Sinabi rin niyang siya ay nasa impluwensiya ng droga noong ginawa niya ang krimen.

Para kay Cherry Pie, umpisa pa lang iyan dahil sinasabi nga niyang hindi siya titigil hanggang walang “conviction”. Siguro hindi na rin tayo magtataka kung sa mga susunod na araw, malalaman nating isa ang aktres sa mga masigasig na hihiling na ibalik ang parusang bitay para sa mga karumaldumal na krimen kagaya nang ginawa sa kanyang ina.

Nakakatakot din iyan, kasi ang kaso lamang ay robbery with homicide, at kung talagang malaki ang nanakaw ng taong iyan, ibig sabihin maaari iyang maglagak ng piyansa, at kung mangyayari iyon, hindi natin alam kung mahuhuli pa nila iyan kung kailangan na.

Show comments