Iniiyakan pala ni Andrea Torres si Cris Villonco tuwing kaeksena niya sa kanilang bagong afternoon prime telefantasiya-drama series na Ang Lihim ni Annasandra na mapapanood na simula sa Lunes, October 6, after ng Dading.
Bakit siya umiiyak, kuwento ni Andrea, napakahusay na kontrabida ni Cris na kahit hindi siya dapat umiyak sa eksena, napapaiyak siya dahil parang ang sungit-sungit ni Cris at ramdam niya ang galit nito sa kanya dahil kay William (Mikael Daez) na gagawin ang lahat para maagaw sa kanya. Pero off-camera, friends sila ni Cris dahil ang bait-bait daw ng stage actress na first time lamang gagawa ng isang soap. Cris on the other hand, ay nagso-sorry naman sa mga kaeksenang inaapi siya. Ready nga raw siyang tumanggap ng bashing sa fans ni Andrea na napakahusay naman bilang si Annasandra.
Inamin ni Andrea na ito na ang pinakamahirap niyang role na nagampanan, dahil nagiging awok (baboy ramo) siya tuwing gabi, kaya may transformation sa kanya sa pamamagitan ng Computer Generated Imagery (CGI) na kailangang halos hubad siya pero maingat daw sina direk Albert Langitan at mga leading men niyang sina Mikael at Pancho Magno, para walang makita sa kanya. Pareho sila ni Rochelle Pangilinan (Esmeralda) na gumaganap ding isang awok at siyang sumumpa sa kanya bata pa lamang siya.
Kasama pa rin sa cast sina Glydel Mercado, Emilio Garcia, Arthur Solinap, Joyce Burton, Erika Padilla, at Gab de Leon. May special participation si Maria Isabel Lopez.
Third team-up na nina Andrea at Mikael ang Ang Lihim ni Annasandra na itinuturing ni Mikael na “love of my life on screen.” Pero pagdating off-camera, ‘di man niya aminin, si 2014 Miss World Megan Young ang love of his life. Paano if true na extended ang reign ni Megan until 2015, ayaw niyang mag-comment, may alam man daw siya, wala siyang karapatan na magsalita, hintayin daw ang Miss World Organization na mag-announce kung totoo iyon o hindi.
Mga nanalo sa golden screen award malalaman na
Mamayang gabi na ang 11th Golden Screen Awards na gaganapin sa Teatrino Greenhills, San Juan City. Hosted by our resident host John “Sweet” Lapus, bibigyang-pugay ng Entertainment Press Society (EnPress, Inc.) ang pinakamahusay na filmmakers at mga artista sa isang natatanging gabi ng parangal.
Ngayon pa lamang, nagpapasalamat na kami sa aming mga sponsors, Dr. Tam Mateo and Nash Coffee ng Manila Golden Archer Group, major sponsors sina Sen. Nancy Binay, PomePure Nexus 7P, Manila City Councilor Yul Servo, CML Beach Resort of Brgy. Nonong Casto, Lemery, Batangas, Dong Juan at 72 Mother Ignacia St, Quezon City at Manila City Vice Mayor Isko Moreno.
Sinu-sino kaya ang mapapalad na magwawagi sa 20 categories? Si Ms. Susan Roces ang tatanggap ng Lino Brocka Lifetime Achievement Award bilang pagkilala sa kanyang husay bilang aktres at film producer.