Natural iaapela ng kampo ni Ronnie Ricketts ang suspensiyong ipinapataw sa kanya ng Ombudsman bilang chairman ng Optical Media Board. Neglect of duties ang kaso, at siguro sinasabi nga nilang maiimbestigahan din iyan kahit na hindi nila suspindihin si Ronnie. Isa pa, mas malaking problema iyong suspindido ang chairman at pati na ang executive director ng board. Papaano tatakbo ang ahensiya lalo na ngayon at malapit na naman ang film festival?
Karapatan naman talaga ni Ricketts at sino pa mang akusado na umapela kung inaakala nilang hindi makatarungan para sa kanila ang hatol ng korte. Kung makakapagsumite naman sila ng sapat na ebidensiya na makapagsasabing baka nagkamali ang korte, tiyak babaguhin ang naunang desisyon.
Una, napakabigat ng bintang kay Ronnie. Ang sinasabi nila ay nag-raid, tapos naisauli doon sa mismong mga nahuli ang nakumpiska sa raid, at tapos hindi kinasuhan ang kumpanyang na-raid. Mabigat na kaso iyan. Kailangan talaga magpaliwanag si Ronnie.
Pero hindi rin naman sinasabi sa utos ng korte na hindi na Chairman ng OMB si Ronnie. Ang sinasabi lang nila ay inilalagay siya under suspension. Maaaring magkaroon ng OIC ang ahensiya, pero siya pa rin ang mananatiling chairman hanggang walang ipinapalit sa kanya ang presidente. Iyan ding pamumuno ng OMB ay bumabagsak sa prerogative ng presidente. Sino man ang i-appoint niya riyan ay siyang may karapatan matapos na kumpirmahin ng Commission on Appointments ng kongreso.
Hindi pa natin alam ang magiging tugon ng korte sa apela ni Ronnie, pero hindi natin alam ngayon kung sino nga ba ang pansamantalang mamumuno sa board kung suspindido nga siya.
Mahirap namang basta mag-appoint ng bago ang presidente, kahit na nga sabihing ang termino ng office ng sinumang presidential appointee ay “at the pleasure of the president”, dahil sa ngayon lumalabas na si Ronnie ay suspindido lang muna habang dinidinig ang kaso. Hindi naman siya inaalis.
Gabriel may premyo rin sa lolo
Siyempre, dahil proud lolo, talagang naging guest ni Kuya Germs sa kanyang show ang kanyang apong si Gabriel Luis Moreno, ang kauna-unahang Pilipino na nakakuha ng gold sa Youth Olympics. Sabi, may premyo ring cash prize si Gabby mula sa kanyang lolo. Dahil lolo naman niya si Kuya Germs, hindi iyan labag sa amateur rules ng Olympics.
Kung iisipin ninyo, kung sinu-sino nga ang natutulungan ni Kuya Germs, eh bakit nga ba hindi niya bibigyan ng ganoon ang kanyang apo na nagbigay naman sa kanyang pamilya ng napakalaking karangalan. Tutal pagdating ng araw, sino rin ba ang kanyang tagapagmana kung ‘di ang kanyang mga apo. Hindi biru-birong karangalan iyang uwing iyan ni Gabby. Olympic gold iyan, at bihira ang nakakapag-uwi ng ganyan. Maraming gold dito, pero hindi sa mga Olympic sports.
Mga artista ‘binebenta’ sa social media!
Na-discover ng movie writer na si Benny Andaya ang isang raket na gumagamit ng mga pictures at pangalan ng mga artista, at naka-base sa mga social networking sites. Sinasabing maaaring maka-date ang mga artistang naroroon ang pictures for a fee, pero kailangan bayad ka muna. Malaking raket iyan, at kawawa ang mga artistang biktima niyan.