Anne poised na poised pa rin kahit nadapa sa Showtime

Showing pa rin sa mga sinehan ang The Gifted ng Viva Films pero hindi totoo na promo para sa pelikula ang pagkakadapa kahapon ni Anne Curtis sa live telecast ng Its Showtime.

Hindi sinasadya na nadapa si Anne habang paakyat siya ng hagdan pero imbes na mag-emote, poised na poised na tumayo ang dalaga habang ina­alalayan siya ni Vhong Navarro.

At bilang professional siya, parang wala lang na itinuloy ni Anne ang kanyang hosting chores as in pinatunayan niya ang pagiging “gifted”.

Hindi lampa si Anne. Nagkataon lang na nawalan siya ng balanse habang tumatakbo paakyat sa hagdan. Pinag-usapan ang nangyari kay Anne dahil ito ang bihirang pagkakataon na nakunan ng mga TV camera ang kanyang aktuwal na pagkakadapa.

Pagkamatay ni Joan Rivers Ipinagluluksa ng buong mundo

Nalungkot naman ako nang mabalitaan ko na pumanaw kahapon ang comedienne at TV host na si Joan Rivers.

Kilalang-kilala ko si Joan dahil siya ang sikat na TV host noong kapanahunan ko.

In fairness to Joan, tumagal nang halos 60-years ang kanyang showbiz career at nakilala siya sa buong mundo.

Maldita ang mga komento ni Joan pero maldita na nakakatawa at nakakatuwa, hindi nakakairita.

Hindi siya katulad ng ibang mga female host na hindi kumpleto ang araw at buhay kung hindi nila pupurihin ang sarili o ikukuwento ang mga nangyayari sa kanilang mga buhay.

Not Joan na nagagawa na pagtawanan ang mga sariling kapalpakan at hindi nabubuhay sa mga ilusyon.

Namatay si Joan sa edad na 81 pero salamat sa modern science, bagets na bagets pa rin ang kanyang itsura. Ipinagluluksa sa buong mundo ang pagpanaw ni Joan na itinuturing na alamat sa mundo ng telebisyon. Pinilit siya gayahin pero hindi napantayan.

Jose tuloy ang pagpapalipad-hangin kay Eugene

Sina Jaya, Lani Misalucha, Abra, Looney at ang magkapatid na Christian at Jordan Bautista ang magtutunggali ngayong gabi sa Celebrity Bluff ng GMA 7.

Hindi lamang ang mga celebrity contestant ng Celebrity Bluff ang dapat panoorin dahil kaabang-abang din ang eklayan ng Pambansang Manliligaw na si Jose Manalo at Pambansang Pakipot na si Eugene Domingo.

Mabentang-mabenta sa televiewers ang mga palipad-hangin ni Jose sa pakipot na si Eugene na diumano’y may young mystery lover na na-sight na ka-date niya sa isang wellness farm.

Robert at Tommy binigyan ng importansiya ng GMA

Hindi nagpatalbog si­na Robert Arevalo at Tommy Abuel kina Ma­ricel Soriano at Lovi Poe sa mga eksena nila sa Ang Dalawang Mrs. Real.

Ipinaalaala nina Ro­bert at Tommy sa te­le­viewers na mga award-winning actor sila sa kanilang confrontation scene sa nangunguna na primetime drama series ng GMA 7.

Ikinatuwa ng manonood ang pagbibigay kina Papa Robert at Papa Tommy  ng importansya ng scriptwriter ng Ang Dalawang Mrs. Real.

Gustung-gusto nila ang pagtatarayan ng dalawa, pati na ang mahusay na pagganap ni Jaime Fa­bregas na hindi pumayag na masapawan siya nina Papa Robert at Papa Tommy.

 ‘Yun nga lang, matatapos na ang Dalawang Mrs. Real sa September 19.

Show comments