Dawn walang kakone-koneksyon kay Bamboo

Hindi rin namin alam kung sino talaga ang nagsimula ng tsismis na diumano ay magkapatid daw ang aktres na si Dawn Zulueta at ang singer na si Bamboo. Kung sabagay, wala namang masama sa naisip nilang tsismis na iyon. Hindi naman masasabing kasiraan iyon ni Dawn, at hindi rin naman masasabing kasiraan iyon ni Bamboo. Hindi lang maliwanag sa amin ang tsismis kung ang sinasabi ba nila ay magkapatid sa ina sina Dawn at Bamboo, o magkapatid sa ama.

Nag-deny si Dawn gamit ang kanyang social networking account. Natawa naman kami sa tsismis na actually hindi namin naririnig kung hindi nga lang nag-deny si Dawn. Kung iyon ay mula sa isang blogger, siguro hindi sikat na blog iyon. Hindi naman kasi masyadong napag-usapan eh. May nakapagsabi lang din siguro kay Dawn.

Siguro nga isa kami doon sa nakakakilala talaga kay Dawn. Alam namin ang buhay niya. Napagkuwentuhan namin i­yan lahat in the past noong panahong madalas pa namin siyang nakakasama. Imposible ngang kapatid sa ina si Bamboo, dahil hindi naman nag-asawang muli ang kanyang ina matapos na mahiwalay sa tatay niya. Ang erpat niya ay nagkaroon ng ibang pamilya, at may anak ngang dalawa, pero sigurado kami, hindi si Bamboo ang isa roon. Na-meet namin ang mother ni Dawn, pero nasa abroad na noon ang father niya. Pero nakilala namin ang isang tiyuhin ni Dawn sa side ng father niya dahil iyon ang dating head ng engineering ng Star City, retired na siya ngayon.

Siguro masasabi namin, ang kilala namin ay hindi si Dawn Zulueta lamang, kung ‘di si Rosemarie Taleon, iyan ang tunay na Dawn.

Aywan kung bakit nga may luma­labas na mga ganyang tsismis na wala namang basehan. Bagama’t sinasabi nga naming hindi nakakasira ang tsismis, pero bakit nga ba kailangang gumawa ng ganoong kuwento na hindi naman totoo.

Kaya lang siguro nag-deny si Dawn ay dahil may nagsabi sa kanya, but we really doubt kung nailang ba siya sa ganyang klase lang ng tsismis.

Star City magbubukas ng coffee shop sa loob ng Snow World

Basta maginaw, ang karaniwang hinahanap natin ay kape. Naalala nga namin ang kuwento ng isang kaibigan namin na inabot ng matin­ding lamig earlier this year sa Canada, talaga raw wala silang tigil sa kape, dahil sobra ang ginaw.

Kaya hindi na kami nagulat nang kumbidahin kami ng inventor ng Snow World na si Thomas Choong na mag-kape doon mismo sa loob ng Snow World diyan sa Star City. Noon lang namin nalaman na may plano pa pala siyang maglagay ng kapihan doon mismo sa loob para mas makatagal daw ang mga guests sa loob ng napakalamig na Snow World. Pero ibang klaseng kapihan iyon ha, dahil ang upuan ay gawa sa yelo. Iyong mesa ay gawa rin sa yelo. Pero talagang mainit ang kape, iyon nga lang kailangan inumin mo agad dahil mabilis rin iyong lalamig at kung patatagalin mo pa, magiging yelo rin ang kape mo.

Sabi nga namin, bagong experience iyan na ma­aaring maranasan ng lahat sa pagbubukas ng Snow World sa Star City next week.

Minsan masarap din naman iyong nakakaranas tayo ng ganyang mga kakaibang experience. Masarap ang kanilang kape, at siyempre you can try it just for fun and experience.

Show comments