MANILA, Philippines - Ngayong Huwebes, sisilipin nila Jiggy Manicad at Maki Pulido ang estado ng ilang mga benepisyaryo ng Conditional Cash Transfer o mas kilala sa tawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Reporter’s Notebook sa GMA 7.
Sa bayan ng Balabagan sa Lanao del Sur, inabutan ng Reporter’s Notebook na papunta sa niyugan ang magkakapatid na Vicente, labing limang taong gulang, Judelo, labing-apat na taong gulang at Ronelo, labing dalawang taong gulang. Kasama nila ang limampu’t walong taong gulang nilang ama na si Mang Bising Omaga. Pagkuha ng tuba ang kabuhayan ng kanilang pamilya.
Umaabot ng hanggang apatnapung talampakan ang taas ng mga inaakyat na puno ng mag-aama. Wala silang anumang proteksyon sa pag-akyat gaya ng lubid kaya maingat ang kanilang bawat apak. Isang maling galaw, malaking peligro ang kanilang maaaring harapin. Pero hindi nila alintana ang panganib dahil ito raw ang pinagkukunan nila ng pantustos sa kanilang pag-aaral at araw-araw na pangangailangan.
Kung tutuusin, may pinansyal na tulong sanang makukuha ang pamilya ni Mang Bising mula sa pamahalaan. Kabilang kasi sila sa mga benepisyaryo ng CCT program o 4ps ng Department of Social Welfare and Development.
Taong 2011 nang maging benepisyaryo sila ng programa. Kada buwan, dapat ay makatatanggap sila ng isang libo at apat na raang piso. Pero noong nakaraang taon, nahinto raw ang pagdating ng kanilang cash grant mula sa DSWD. At natuklasan ng Reporter’s Notebook na bukod sa Bayan ng Balabagan kung saan nakatira ang Pamilya Omaga, lima pang bayan sa Lanao del Sur ang hindi nakatanggap ng cash grant mula sa CCT mula pa noong nakaraang taon.