Hindi naman daw talagang na-miss ni Mariel Rodriguez ang show business kahit na matagal din naman siyang nawalan ng show. Matagal ding napahinga si Mariel dahil wala siyang naging palabas sa TV simula noong masibak ang TV show ni Willie Revillame kung saan isa siya sa mga co-host.
Ang nangyari nga raw kasi noong panahong hindi siya abala sa showbiz, sinamantala naman niya ang pagkakataon para maging full-time housewife sa kanyang mister na si Robin Padilla. Pero iba ang naging kuwento sa amin ni Robin. Noon daw, talagang nasa bahay lang si Mariel, talagang nasusubaybayan ang kanyang kilos. Minsan nga raw nasa isang restaurant siya dahil may kausap naman siyang ibang tao. Nagkataong naroroon din ang isang babaeng na-link sa kanya noong araw. Aba nalaman daw agad iyon ni Mariel, at natanong agad siya sa text kung ano ang ginagawa niya roon.
Alam naman kasi ninyo ngayon, mahirap nang magtago ang mga celebrities. Madali silang kunan ng picture ng kahit na sino sa pamamagitan lang ng cell phone, tapos mabilis iyong mailalagay sa social media. Eh kung naka-hash tag pa, ‘di mas mabilis ngang kakalat.
Anyway, hindi lang naman pagbabantay kay Robin ang ginawa ni Mariel. Nagawa na rin niyang makialam sa kitchen, at sa iba pang bagay na kailangang asikasuhin sa bahay. Sabi nga niya, nasanay na siya at parang hirap na nga siyang lumabas pa ng bahay. Nagkataon lang na kasama naman niya si Robin sa Talentadong Pinoy, na magsisimula na nga sa TV5 sa Sabado, at saka hindi naman masyadong demanding ang trabaho nila sa nasabing show.
Siguro nga raw kung ang inialok sa kanyang trabaho ay masyadong demanding, na maiiwan na niya ang kanyang trabaho sa bahay, baka hindi na rin niya tinanggap iyon. Obviously nag-e-enjoy siya sa bahay, at saka hindi naman niya talaga kailangang magtrabaho to survive. Kayang-kaya naman siyang buhayin ng kanyang asawa.
Pero minsan naman, maganda rin iyong may show siya para hindi naman niya makalimutan ang kanyang career. Ok naman siya bilang isang host.
Programa ni Dj Richard masarap pakinggan, walang bastusan
Hindi magandang habit ito. Natutulog kami nang mas maaga, para gumising ulit ng ala-una ng madaling araw para manood noong dzMM-Teleradyo, kasi nga doon lang namin naririnig ang mga lumang kantang gusto namin na hindi na ninyo maririnig sa ibang istasyon ng radyo. Mahusay ang pamimili ng musika ni DJ Richard, at kung may request kang kanta na gusto mong marinig ulit, maaari kang tumawag sa kanila at makapagbigay pa ng dedication sa mga gusto mong batiin.
Ganyan ang radio noong araw, noong panahong iyan ang pangunahing libangan sa mga bahay-bahay. Talagang nakaka-entertain. Hindi kagaya ng ibang mga istasyon na makatawag lamang ng listeners lahat na ng kabastusan pinag-uusapan on the air. Hindi na kagaya noong araw na “malinis” ang radio broadcast, kaya nga nakakawiling pakinggan si Dj Richard kung madaling araw. Sayang nga eh, mada-ling araw lang ang kanyang programa. Dapat mayroon ding day time.
Maraming artista natin huwag sanang tularan si Robin
Kumpirmado na, nagbigti ng kanyang sarili ang sikat na komedyanteng si Robin Williams dahil sa depression. Huwag naman sanang mangyari iyan sa mga artistang Pilipino na nagkakaroon din ng depression, lalo na iyong malapit nang matigbak ang serye dahil bagsak ang ratings.