MANILA, Philippines - Uupo bilang miyembro ng council ng Kapamilya realiseryeng I Do ang host nitong si Judy Ann Santos-Agoncillo na gagabay sa siyam na contestant couples at huhusga rin sa kanila, base sa kanilang kahandaan sa pagpapakasal at buhay mag-asawa.
Makakasama niya sa council ang iba pang credible experts sa pag-ibig, kasal, at pakikipagrelasyon: ang life coach na si Pia Acevedo at ang psychologist at marriage counselor na si Dr. Julian Montano. Magsisilbi namang co-host ni Juday si Jason Gainza.
Sama-samang titira sa I Do village ang lahat ng couples, ngunit magkahiwalay na matutulog ang mga babae sa mga lalaki. Dito mapapatunayan ang tamis ng kanilang pagmamahalan at tatag ng pagsasama sa pagsuong nila sa “cycles” na binubuo ng mga hamon at sessions na hango sa mga totoong sitwasyon sa buhay mag-asawa at pamilya.
Sa pagtatapos ng bawat cycle, ang council ang siyang magdedesisyon kung aling couple ang magpapaalam base sa kanilang samahan, tiwala sa isa’t isa, at iba pang aspetong konektado sa tema.
Sa huli, ang winning couple na pipiliin ng taongbayan ang siyang magwawagi ng P1 milyon, house and lot, at ang kanilang inaasam na grand wedding.
Abangan ang pagsisimula ng ‘journey to happy ever after’ sa I Do, ngayong Agosto na sa ABS-CBN.