MANILA, Philippines - Maghaharap-harap ang limang grand finalists ng Celebrity Dance Battle ng TV5 para sa isang final showdown upang makamit ang P1 M prize sa pinaka-aabangang Grand Finals Night ngayong Sabado.
Patutunayan ni Gary “El Granada” David na bukod sa pagiging ace basketball player ng hard court, maari rin siyang maka-score ng mataas sa dance floor. Samantala, ipapakita naman ng nagbabalik na TV personality na si Priscilla Meirelles na hindi pa rin nawawala ang kanyang dancing prowess lalo na at mas naging sexy siya ngayon. Hindi rin magpapahuli si Iwa Moto na ipakita na siya ang nag-iisang dance vixen ng dance floor lalo at muli niyang ilalabas ang kanyang trademark sultry dance moves.
Ipapamalas naman ng professional pole dancer at showbiz royalty na si Ciara Sotto na bukod sa kanyang natatanging pole dancing talent, kaya rin niyang makipagsabayan sa isang dance partner para makabuo ng grand-finals-worthy na dance ensemble. Susubukan naman ng wild card winner na si Rafa Siguion-Reyna na makuha ang puso ng mga judges para ipakita na siya ang dapat na tanghaling champion ng dance battle na ito.
Sino kaya kina Gary David, Priscilla Meirelles, Iwa Moto, Ciara Sotto, at Rafa Siguion-Reyna ang mag-uuwi ng P1 M grand prize at ng karangalan na maging kauna-unahang Celebrity Dance Battle Champion?
Nakasalalay sa kanilang all-out performance at expert judging ng Dance Guru na si Douglas Nierras, Dancing Queen Edna Ledesma, Dance Diva G. Toengi, and America’s Next Top Model Runner-Up na si Allison Harvard.
Sa pangunguna ng nag-iisang dance goddess ng Philippine television na si Ms Lucy Torres-Gomez, kasama ng Semerad twins na sina Anthony at David, ang Celebrity Dance Battle Grand Finals ay mapapanood ngayong Sabado, June 28, 9:00 p.m. sa TV5.
gintong krudo Nanalo ng One World Award sa 2014 US International Film & Video Festival
Napanalunan ng programang Brigada ng GMA News TV ang prestihiyosong One World Award sa 2014 US International Film & Video Festival. Ang entry nito na Gintong Krudo ay nagwagi rin ng Gold Camera Award sa nasabing festival. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakuha ng isang Philippine TV network ang One World Award.
Itinatag ang One World Award mahigit 25 taon na ang nakararaan sa pamamagitan ng International Quorum of Motion Pictures Producers. Pinipili mula sa mga nanalo ng medalya at nakatanggap ng Certificate of Excellence ang magwawagi ng One World Award na itinuturing na isa sa mga pinakamalaking parangal ng US International Film & Video Festival.
Tampok sa Gintong Krudo ang kuwento ng 12-taong gulang na si Bisaya na lumalangoy sa dagat tuwing umaga kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Christian at Ruben para mangolekta ng mga krudo na natatapon mula sa mga barko.
Tuwing nakakakita sila ng langis sa tubig, sumisisid sila at iniipon ito gamit ang isang espongha. Hinaharap nila ang panganib sa kanilang kalusugan kapalit ang halos isang dolyar sa bawat timba ng langis. Sumama ang GMA reporter na si Micaela Papa sa mga bata na sumisid at mangolekta ng mga natapon na langis.
Pinangungunahan ng batikang mamahayag na si Jessica Soho ang Brigada, kasama si Lee Joseph Castel bilang program manager at Harvey Bayona bilang executive producer. Napapanood ang Brigada tuwing Martes ng gabi sa GMA News TV.
Bukod sa mga pagkilala na natanggap ng Brigada, umani ng pito pang parangal ang GMA Network sa USIFVF. Kabilang dito ang Gold Award para sa Wagas at Silver Awards para sa State of the Nation with Jessica Soho, dalawang episode ng Reel Time, Reporter’s Notebook, at Front Row. Nakatanggap naman ang Picture! Picture! ng Certificate of Excellence.
Nagwagi rin ang Gintong Krudo ng Brigada ng Silver World Medal sa 2014 New York Festivals at naging finalist sa 2013 Japan Prize.