MANILA, Philippines - Matapos ang apat na taong pag-ere sa ABS-CBN, magpapaalam na ang documentary program na Cheche Lazaro Presents. Ipapalabas ang huli nitong episode ngayong Linggo (Hunyo 22).
Sa pangunguna ng batikan at award-winning na anchor nitong si Cheche Lazaro, siniyasat ng progÂrama ang samu’t saring isyu sa lipunan at kulturang Pinoy, kabilang na ang pagkahumaling ng mga Pinoy sa mga teleserye, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno, ang pagbabago ng wikang Filipino, ang mundo ng mga tomboy, bading, transgender, at bisexual, at ang galing ng Pinoy sa musika.
Nagwagi ito ng mga parangal kagaya ng Best TV Special mula sa 33rd Catholic Mass Media Awards at Best Documentary Special mula 26th Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Television.
Para sa huling episode nito, bubusisiin ni Cheche ang pangako ng habang-buhay na pag-ibig ng dalawang nagmamahalan, o ang tinatawag na kasal, sa Cheche Lazaro Presents: Kapag Tumibok ang Puso.
Kakapanayamin niya ang bagong-kasal na sina Boots Anson Roa at Atty. Francisco “King†Rodrigo, pati na rin ang ang 53 taon nang mag-asawang sina Christian at Winnie Monsod, na magbabahagi ng mga personal nilang karanasan tungkol sa pag-ibig.
Magbibigay naman ng payo ang kilalang radio DJ na si John “Papa Jack†Gemperle at marriage counselor na si Pastor Herald Cruz kung paano mapapanatili ng mga mag-asawa ang matatag na relasyon.
Ipapaliwanag naman ng psychiatrist na si Ma. Luz Querubin, anthropologist na si Jonathan Taduran, at human sexuality expert at psychologist na si Agnes Bueno ang siyensiya sa likod ng pag-ibig. Kabilang sa tatalakayin nila kung paano nauuwi sa pag-ibig ang ilang chemical process ng utak, pati na ang simpleng pang-amoy.