Iginiit ng starlet na si Krista Miller, kasabay nang pagtulo ng kanyang luha na wala siyang ginawang masama nang dalawin niya ang convicted drug lord na si Ricardo Camata sa ospital habang naka-confine iyon doon para diumano ay magpagamot ng sakit sa baga. Marami kasi ang kumukuwestyon bakit napakadaling papasukin ang mga bisita ni Camata sa ospital, at pinababayaan pang maiwan ang bisita kasama si Camata, kagaya nga sa nangyari kay Miller na ayon sa nakitang footage ng CCTV ay naiwang mag-isa kasama si Camata.
Actually wala namang dapat iiyak si Krista. Wala namang sinasabing masama sa kanya. Ang tinatanong lang ay kung bakit napakadali niyang nakapasok sa kuwarto ni Camata, at hinayaan pang maiwang mag-isa kasama ang convicted drug lord. Hindi naman siya ang sinisisi kung ‘di iyong mga jail guards na dapat ay nagbabantay talaga kay Camata, bakit naman siya umiiyak?
Inamin ni Krista, wala naman siyang malaking kinikita sa kanyang pagiging isang starlet kaya kailangan niyang mag-sideline. Nagbebenta raw siya ng condo at iyon ang dahilan kung bakit pinuntahan niya si Camata.
Nakilala pala ni Krista si Camata nang minsan siyang maging guest para sa isang affair sa Bilibid. Ibig sabihin, alam niyang bilanggo si Camata. Siguro naman alam niya na iyon ay isang convicted drug lord. Pero bakit kaya sa kabila ng nakakulong iyon, iyon pa ang kanyang napiling alukin ng condo units na kanyang ipinagbibili? Nag-aalok ba siya ng investments for illegally acquired money?
Maaaring wala naman siyang masamang ginawa, pero dapat nag-isip si Krista, dahil alam naman niya na convicted drug lord ang target buyer niya. At saka ang isa pang tanong, papaano nalaman ni Krista na nasa ospital noong mga panahong iyon si Camata? Maliwanag na mayroon nga silang communications. Ibig sabihin malaya ring nakapagdadala si Camata ng cell phone siguro kahit na nakakulong siya.
Sa ngayon wala namang ibang masisisi iyang si Krista, kasi sumuot siya sa ganyang sitwasyon na hindi muna niya inisip kung ano ang maaaring maging epekto sa kanya, lalo na nga’t mukhang pinalalabas niyang gusto niyang mag-maintain ng magandang image. Paano kaya mangyayari ‘yun?