Claudine nagwawala dahil sa bagong lawyer ni Raymart

Aywan kung alam ba ni Claudine Barretto na sa tuwing magpu-post siya ng kahit na anong bagay sa kanyang social networking account, iyon ay nababasa hindi lamang ng mga taong kanyang pinatutungkulan kundi maging daan-daan o libo pang mga tao na maaaring nakapagbubukas din ng kanyang account.

Kung minsan iyan ang dahilan kung bakit luma­laki ang gulo eh, kasi nga iyong mga simpleng bagay na hindi naman sana malala talaga kung sinasabi lang sa taong concerned, iba sana ang kinahinatnan.

Nakagugulat ang naging post ni Claudine laban sa kanyang kapatid na si Marjorie sa social media. Kung sa bagay, ano nga ba ang aasahan mo, eh inamin na naman niyang sa lahat na kay Marjorie siya pinaka-galit dahil iyon ang dahilan ng away nila ni Gretchen. Pero ang nakasisindak pa, ay may mga idinawit pa siyang pangalan ng ibang tao na kung iisipin ay wala namang kinalaman sa kanilang mga away. Wala namang sinabi ang mga taong iyon na gusto nilang maging bahagi ng magulo na nilang pa­milya. Ang hindi naiisip ni Claudine, puwede siyang balikan ng demanda dahil lumalabas na may ma­lisya, ganoong siya ang nagsasabing huwag lagyan ng malisya ang relasyon niya sa kanyang abogadong si Atty. Freddie Topacio.

Simple lang ang pinag-ugatan ng huling pagpupuyos na naman ng galit ni Claudine kay Marjorie. Pinagbibintangan niya ang kapatid na siyang nag-refer diumano sa dati niyang asawang si Raymart Santiago sa abogado noong si Lorna Kapunan. Hindi ba si Lorna Kapunan ay talaga namang professional lawyer? Hindi ba ang isa namang abogadong propesyonal ay tumatanggap ng kaso kung inaakala nilang dapat ilaban ang isang kaso at kung kaya namang bayaran ang kanilang serbisyo? Imposible bang makuha ni Raymart si Kapunan? Kung ganoon, bakit si Marjorie ang kanyang pagbi­bintangan?

Kagaya rin iyan ng kanyang bintang na ang kapatid na si Gretchen ang tumutustos sa kaso ng maid na ipinakulong niya, si Dessa Patilan, iyon naman pala ay libre ang serbisyong ibinibigay ng abogado sa kanyang dating katulong na nakalabas ng kulungan.

At saka ano ang dapat     niyang ipag-alala kung may mahusay mang abogado ang mga kalaban niya? Hindi ba mahusay din naman si Topacio, na      siyang lawyer ni dating Presidente Gloria at dating first gentleman Mike Arroyo sa mga kaso nila?

Rodjun todo-promote

Ang sipag mag-promote ni Rodjun Cruz. Madaling araw pa lang, nasa telebisyon na para sa promo ng kanilang bagong serye, Ang Dalawang Mrs. Real. Bukod nga sa masipag sa promo, napapansin na rin naman ng mga tao ang kanyang kakayahan bilang isang aktor. Hindi rin naman maikakaila na may hatak siya sa fans. Hindi ba kahit noon na naging bida siya sa isang afternoon drama sa kabilang channel ay mataas ang rating.

Marami rin ang nakapapansin, at sinasabing nag-aabang na sa mga numbers na ginagawa niya sa kanilang Sunday show, na kung saan kadalasan ay medyo sexy ang kanyang get up. Talaga kasing babad din naman sa gym si Rodjun para mapaganda pa ang kanyang katawan.

 

Show comments