Mga produkto ni Juan, nagkakawalaan!
MANILA, Philippines - Bawat lugar sa Pilipinas ay may ipinagmamalaking produkto: Sapatos sa Marikina, balot sa Pateros, paglililok naman sa Paete, Laguna. Pero sa paglipas ng panahon, unti-unti na bang nawawala ang mga ito? Ano ang sanhi?
Marikina ang shoe capital of the Philippines pero kakaunti na lang ang gumagawa ng sapatos sa lungsod. Noong 1994, aabot sa mahigit 500 ang pagawaan ng sapatos sa Marikina. Ngayon ay lampas 100 na lang. Sampung porsiyento na lang ito sa kabuuang kita ng lungsod.
Masarap ang lanzones galing sa Paete, dinarayo pa ito ng mga mamimili. Noong dekada sisenta, dito galing ang pinakamalaking supply ng lanzones sa buong Laguna. Sa kasalukuyan, bihira na itong matikman.
Sikat din sa paglililok ang Paete, bago pa man dumating ang mga Kastila, may mga manlililok na sa lugar. Ito ang tinaguriang carving capital of the Philippines. Sa paglipas ng mga taon, humina na ang industriyang ito at marami na ang tumigil sa pag-uukit. Kung noon ay kahoy, ngayon ay prutas at yelo na ang inuukit ng mga taga-Paete. Marami sa kanila ang mas pinili ang magtrabaho sa barko bilang kitchen artist kung saan ’di hamak na mas malaki ang kanilang kinikita.
Kapag sinabing Pateros, balot agad ang maiisip. Ang pangalan ng bayan ay hango sa salitang Kastila na “patero†na ang ibig sabihin ay mag-iitik. Ika-18 siglo pa mula nang magsimulang mag-alaga ng itik ang mga taga-Pateros. Pero sino nga ba ang mag-aakalang wala nang itik sa Pateros ngayon? Ang itlog na ginagawang balot ay galing na sa ibang lugar.
Alamin ang sanhi ng pagtamlay ng industriya ng sapatos sa Marikina, ang dahilan kung bakit wala nang mag-iitik sa Pateros, at bakit kakaunti na ang lanzones, at mga manlililok sa Paete, Laguna. Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, ika-8 ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.
- Latest