MANILA, Philippines - Napaiyak ang nag-iisang Superstar Nora Aunor noong awitan at tugtugan siya ng violin ng mga ulilang kabataang nasa San Martin de Torres sa Bustos, Bulacan. May taping si Guy para sa indie film na Dementia noong dalawin namin sa kanilang set sa gitna ng kabukiran. Sobrang init ng panahon pero wala kaming pakialam na silipin doon si Guy.
Mabait ang nanay-nanayan ng 110 orphans na tinutulungan niyang mapalaki at buhayin sa magandang paraan. Siya ang nakilala naming si Myrna del Rosario, isang maestra na umaaruga sa mga ulilang kabataan. Noong nagso-shooting na si Guy, tinugtugan siya ng violin at kinantahan ng mga bata. Napaiyak si Nora at naalala niya ang mga batang natutulungan din sa iba pang lugar. Nasa gitna ng kabukiran ang San Martin de Torres kaya’t damang-dama ng aktres ang kahalagahan ng mga inawit sa kanya.
Nine days inabot ang shooting nila roon.
Sa nasagap naming kuwento, isang araw daw ay nagpahanap si Guy ng baboy na puwedeng i-lechon. Gusto niyang mabigyan ng kasiyahan ang mga kabataang naroroon at maging ang mga staff at kapwa artista sa Dementia. Nagpapasalamat kami sa may-ari ng Gloria Romero Restaurant sa Baliwag dahil sa pag-istima sa amin noong magdala kami ng pagkain sa location ng production. Kilalang caterer ang naturang restaurant na kapangalan ng beteranang aktres na si Gloria Romero. Akala nga ni Guy ay may restaurant talaga si Tita Glo.
Samantala, tampok din sina Jasmine Curtis Smith, Chynna Ortaleza, Jeric Gonzales, at Konsehal Yul Servo na isa ring taga-Baliwag, Bulacan.
Ngayon lang nakaranas mag-shooting sa isang napakatahimik na lugar si Guy, very private talaga. Walang pollution, walang ingay ng mga sasakyan, o pag-iingay ng mga tao. Doon din niya nakita ang mga kabataang marunong rumespeto at humalik ng kamay tuwing malapit nang sumapit ang gabi.
Sa Dementia, hindi na iniisip ni Guy kung mananalo ba siya ng award. Ang mahalaga, patuloy pa rin ang mga Pilipinong producer sa paggawa ng magagandang palabas. Maraming nabibigyan ng trabaho sa mga taong nagsisilbi sa larangan ng showbiz.