MANILA, Philippines - Para mas mapabuti at mas maging makatotohanan ang kanyang pagganap bilang Legal Wife sa telebisyon, nakihalubilo at nakipagkwentuhan ang aktres na si Angel Locsin sa mga babaeng napagtaksilan ng kani-kanilang asawa, pati na rin sa mga lalaking nangaliwa habang sila ay kasal pa.
“Kumausap ako ng mga babaeng may asawa na at napagdaanan na ‘yung kwento ng karakter ko. Pati rin yung mga lalaki na iniiwan ang kabiyak nila o nagkakaroon ng ibang karelasyon. Kasama na rin ang mga babaeng natutong mang-agaw ng pagmamahal,†pagbabahagi ni Angel kay Anthony Taberna sa Tapatan ni Tunying na mapapanood ngayong Huwebes (March 6).
Bilang miyembro ng Gabriela, isang samahan na tumutugon sa mga suliranin ng kababaihan at mga bata, nakakasama ni Angel ang mga babaeng dumaranas ng problema o kalupitan sa loob ng tahanan bago pa man nagsimula ang kanyang hit primetime teleserye.
“Sa tuwing nakakasama ako sa mga counseling, alam ko na wala ako sa posisyon para magpayo. Pero nandoon ako para matuto at sumuporta sa mga kababaihan,†pagdidiin niya.
Para kay Angel, malaki ang naitutulong ng mga karanasan niya sa counseling, hindi lang bilang aktres, kundi bilang tao dahil mas lumalawak ang kanyang pang-unawa sa mga isyung kinakaharap ng kapwa niya babae.
Kung ang adbokasiya ni Angel ay para sa kababaihan, pagbabago sa sistema ng pulitika sa bansa ang isinusulong ng aktibistang si Mae Paner, o mas kilala bilang si Juana Change.
“Sa tingin ko, dapat matutunan ng bawat Pilipino na mag-volunteer. Kailangan nilang malaman ang nangyayari,†paliwanag ni Mae. “Kailangan din ng tao na tumanggap ng mga puna at batikos,†dagdag niya bilang pasaring na rin kay Pangulong Noynoy Aquino.
Sinagot din ni Mae ang pangmamata sa kanya ng ilan na nagsasabing wala umano siyang naiaambag sa kanyang mga kababayan bukod sa pagsali at pagsasalita sa mga kilos-protesta.